LUNGSOD NG GAPAN — Naisin ng pamahalaang lungsod ng Gapan na agad mabuksan ang ipinatayong Dialysis Center sa kabila ng suliranin sa coronavirus disease.
Ayon kay Mayor Emerson Pascual, kumpleto na ito sa kagamitan gayundin ang mga personnel ay handa nang pumasok gaya mga doktor at nars na mangangasiwa ng pagamutan,
Aniya, nasa 20 makinarya ang binili ng pamahalaang lungsod na kayang i-accommodate ang nasa 100 pasyente sa loob ng isang araw.
Paglilinaw ng alkalde, ang lahat ng mga tiga-Gapan na nangangailangan ng regular na dialysis ay libre ang bawat sesyon gayundin ay makatatanggap ng tig-500 pisong ayuda sa kada gamutan.
Sa kasalukuyang bilang ay nasa 200 pasyente sa Gapan ang nangangailangan ng regular na dialysis.
Itinayo ng pamahalaang lokal ang dialysis center upang umagapay sa mga kababayang nahihirapang matustusan ang regular na pagpapagamot.
Permiso na lamang mula sa Department of Health ang kailangan ng tanggapan upang masimulan ang operasyon ng nasabing dialysis center.
Ipinahayag din ni Pascual na aabot na sa apat na milyong piso ang donasyong natatanggap ng pamahalaang lungsod na planong gugulin sa pagbili ng mga medical equipment gaya ng Magnetic Resonance Imaging o MRI, x-ray machine at iba pa.