Gapan, nagpahayag ng suporta sa Balik Probinsya program

LUNGSOD NG GAPAN — Ipinahayag ni Gapan City Mayor Emerson Pascual ang suporta sa Balik Probinsya, Bagong Pag-asa o BP2 Program ng pamahalaang nasyonal.

Ayon kay Pascual, kinakailangang suportahan ng mga lokal na pamahalaan ang programang BP2 Program ng gobyerno nasyonal.

Bukas aniya ang lungsod sa mga uuwing kababayan na magiging benepisyaryo ng programa gayundin ay titiyaking magkakaroon ng hanapbuhay sa pag-uwi sa siyudad. 

Nitong nakaraang Sabado, ay binisita mismo ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar kasama sina Undersecretary Joel Sy Egco at Undersecretary Lorraine Badoy ang mga industriya o hanapbuhay na maaaring datnan ng mga uuwi sa Gapan.  

Kabilang rito ang pagawaan ng tsinelas na kung saan tanyag ang siyudad bilang “Footwear Capital of the North” gayundin ang mga gulayan at palaisdaan na ikinabubuhay ng ilang mga magsasaka.  

Pahayag ni Andanar, isa sa layuning pagtungo sa lalawigan ay makita mismo ang mga industriya sa lokalidad na may kaugnayan sa pagsusulong ng BP2 Program ng gobyerno.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews