LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Ginawaran ng Gintong Kabataan Awards ang mga ‘Kenyong hindi lamang pinaunlad ang sarili kundi nakapag-ambag nang malaki sa pagbubuo ng bayan.
Ayon naman kay Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office Head Elizabeth Alonzo, sinisimbulo ng parangal na ito ang pakikipagsapalaran sa pagpapakatao, pinapaningning hanggang maging perpekto sa ganda, na katumbas ng isang ginto sapagkat itinuturing aniya na gintong gawain ang mahuhusay na gawa at karanasan ng mga kabataang Bulakenyo sa kanilang panahon.
Ang salitang ‘Kenyo ay ginagamit sa Bulacan patungkol sa mga iniidulong kabataan.
Kabilang sa mga tumanggap ng naturang parangal ngayong taon ang aktor na si Daniel Padilla ng Plaridel at apo sa tuhod ni dating Gobernador Jose Galvez Padilla Sr para sa larangan ng Sining at Kultura sa Pagganap, Roijin G. Suarez ng Angat para sa Sining at Kultura sa Musika, Raymond Vincent P. Sityar ng Baliwag para sa sa larangan ng Sining at Kultura sa Fashion Design at FCPC Baliktanaw ng lungsod ng San Jose Del Monte para sa larangan ng Sining at Kultura sa Sayaw.
Kinilala din si Edelisa Jean Mendoza ng Plaridel para sa sa larangan ng Kagalingang Pang-Akademiya at Agham, Margaret Gretel Manalac ng Baliwag para sa larangan ng Kagalingang Pang-Akademiya at Agham para sa kolehiyo.
Ang negosyanteng si Paul Gerard A. Saret ng Balagtas naman ang ginawaran ng Gintong Kabataan Award sa larangan ng Entreprenyur habang si Carl Angelo Espiritu ng Guiguinto para sa larangan ng Paglilingkod sa Pamayanan sa Indibidwa.
Ang Guiguinto Bikers naman ang pinarangalan ng Gintong Kabataan Award sa larangan ng Paglilingkod sa Pamayanan na Grupo.
Sa kabilang banda, dalawa ang ginawaran ng Gintong Kabataan Award sa larangan ng Manggagawa-Professional Worker na sina Michael Joseph Dino ng Bustos at Glen Andrew De Vera ng Malolos.
Ang Gintong Kabataan Award sa larangan ng Manggagawa- Skilled Workers ay si Renz Aldrin Paul Mangalile ng Baliwag.
Para sa Gintong Kabataan Award sa larangan ng Isports-Indibidwal sa Track and Field, pinarangalan si James Darrel Orduna ng Plaridel.
Si Normel Benigno De Jesus ng Santa Maria ay kinilala rin bilang Gintong Kabataan Award sa larangan ng Isports-Indibidwal sa Chess.
Dalawang koponan naman ang pinarangalan ng naman ang Gintong Kabataan Award sa larangan ng Isports-Grupo. Ito ay ang Fortunato F. Halili National High School Women’s Junior Softball Team sa Santa Maria at ang San Miguel National High School Women’s Senior Softball Team.
Bilang Gintong Kabataan naman na chairman ng Sangguniang Kabataan o SK, tinamo ito ni Chairman Patrick Dela Cruz ng Malolos.
Ang SK Council naman barangay Sta. Cruz sa Guiguinto ang pinarangalan ng Gintong Kabataan Award para sa SK Council.
Kaugnay nito, ipinagkaloob naman ang Gintong Kabataan-Bayani o Posthumous kay Arnie Reyes ng Malolos. Siya ang sumagip sa kanyang mga katrabaho na nalunod sa kanilang bakasyon sa isang beach sa Zambales. Bagama’t piniling sumagip ng kapwa na nalulunod, siya ay nilamon ng malakas na alon at tuluyang nalunod.
Tatlong Special Citations ang ipinagkaloob ng Gintong Kabataan Awards gaya ni Joshua Flores ng Bocaue na kauna-unahang kabataan sa edad na 14 na nanalo sa isang international pageant.
Kambal na tagumpay naman ang natamo ng kambal na sina Jose Gabriel Delos Santos na Top 6 sa Electrical Engineering Licensure Examination at si Jose Raphael Delos Santos ay Top 8 naman sa Nurse Licensure Examination. Sila ay pawang mga taga-Malolos.
Ang San Rafael Men’s Softball Team naman ay kinatawan ng Pilipinas sa 2019 U17 Men’s Softball Asia Cup Tournament na ginanap sa Malaysia na nakatamo bilang 3rd Runner-up.
Samantala, ang parangal na Natatanging Gintong Kabataan ay ipinagkaloob sa Dr. Yanga College Inc. Robotics Team ng Bocaue dahil taong 2009 pa lang ay nagsimula nang gumawa sila ng pangalan sa larangan ng Robotics.
Pinaalalahanan ni Gobernador Daniel Fernando ang mga pinarangalan na palaging maging huwaran ng totoong Gintong Kabataan sapagkat ito aniya ang sagisag ng pagiging isang Bulakenyo. (CLJD/SFV-PIA 3)