LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Inaasahang mahigit 600,000 pang dagdag benepisyaryo mula sa Gitnang Luzon ang makatatanggap ng ayuda sa ilalim ng Emergency Subsidy Program o ESP ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, ito ang mga kwalipikadong benepisyaryo na hindi nakasama sa first tranche at umapela sa kanilang local government unit o LGU.
687,307 ang kabuuang bilang ng target na dagdag benepisyaryo sa buong rehiyon, batay sa isinumite ng mga LGU sa DSWD noong Abril 18.
Sa nasabing bilang, 607,350 ang nasa clean list ng mga LGU matapos ang isinagawa nilang balidasyon.
Bulacan ang may pinakamaraming dagdag benepisyaryo na nasa 247,767. Sinundan ito ng Pampanga na may 120,010; Tarlac – 86,720; Zambales – 85,940; Nueva Ecija- 36,912; Bataan- 28,806; at Aurora – 1,195.
Kabilang sa mga ito ang mga pamilyang nasa low-income, bahagi ng impormal na sektor at mayroong miyembro ng pamilya na nasa anumang bulnerableng sektor ng lipunan, mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na hindi na nakatatanggap ng regular na cash grants sa anumang rason, at mga miyembro ng 4Ps na nag-move out na simula noong Enero 15.
Paglilinaw naman ni Maristela, dadaan pa rin sa balidasyon ng DSWD ang clean list na isinumite ng mga LGU bago maisapinal ang listahan na tatawaging Certified List of Additional Beneficiaries.
Ang mga nasa listahang ito lamang ang gagawan ng payroll at tatanggap ng ayuda.
Makatatanggap ng 13,000 piso o katumbas sa dalawang buwang ayuda ang mga benepisyaryo mula sa mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales.
Katumbas naman ng isang buwang ayuda o 6,500 piso ang tatanggapin ng mga taga-Aurora dahil isinailalim na sa General Community Quarantine ang probinsya simula noong Mayo 1.
Ayon kay Maristela, wala pang eksaktong petsa kung kailan ipamimigay ang nasabing ayuda dahil kasalukuyan pa ang balidasyon sa mga listahan ng benepisyaryo.
Kabilang ang mga dagdag benepisyaryong ito sa limang milyon sa buong bansa na inaprubahan ng pamahalaan alinsunod sa Memorandum Circular 14 na inilabas ng DSWD. (CLJD/MJSC-PIA 3)