Gob ng Pampanga, pinag-iingat ang publiko vs substandard na materyales

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Pinaalalahanan ni Gobernador Dennis Pineda ang publiko na mag-ingat sa mga hardware stores na nagbebenta ng substandard na materyales.

Kasunod ng lindol na tumama sa lalawigan noong Abril 22, sinabi ni Pineda na napansin niyang hindi nagiba ang mga lumang bahay, samantalang madaling nawasak ang mga bagong-tayong bahay.

Aniya, pangunahing dahilang nakikita nila ay ang mga substandard na materyales na ibinebenta sa mga hardware stores at binibili ng mga tao dahil mas mura ang mga ito. 

Dahil dito, umapela siya sa mga city at municipal engineers na gabayan ang publiko, lalo na sa pagtatayo ng mga bahay at gusali. 

Hiningi niya ang tulong ng mga ito upang malaman ang mga hardware stores na nagbebenta ng mga substandard na materyales at magsagawa ng regular na pagmomonitor sa mga ito. 

Pinaalalahanan din ni Pineda ang mga city at municipal engineers na may pananagutan sila sa mga inaaprubahang plano dahil nakapirma sila dito.

Aniya, dapat ay alam nila kung may mali o hindi tama sa mga plano dahil maaring magdulot ng pagkawala ng buhay ang kanilang kapabayaan.

Hinihintay din niya ang resulta ng imbestigasyon sa nangyaring insidente sa Porac at nangakong magsasampa ng kaso sa sinumang mapapatunayang may pagkukulang upang mabigyan ng hustisya ang mga namatay sa nasabing lindol. 

Hinimok din niya ang mga alkalde na makipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry sa regular na pagsasagawa ng monitoring at inspeksyon sa mga hardware stores.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews