Inilunsad ng Zambales provincial government sa pangunguna ni Zambales Governor Hermogenes E. Ebdane Jr. ang ”Oplan Semana Santa 2021” para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan.
Sinabi ng gobernador na ang hakbang na ito ay upang mapigilan ang pagtaas ng nakatalang kaso ng COVID-19 sa lalawigan. Kahapon March 29 ay nadagdagan ng 53 katao ang tinamaan ng sakit kung saan karamihan sa kanila ay nahawa sa kanilang kamag-kaanakan o katrabaho.
Ayon sa Provincial Health Office (PHO) sa 53 katao na natalang nagpositibo nitong Marso 29 ay 16 sa mga ito ang nagmula sa Palauig, 14 ang mula sa Castillejos, 10 mula sa San Antonio, 6 mula sa Sta. Cruz, 3 mula sa San Narciso, 2 sa Iba, 1 mula sa San Felipe, at 1 mula sa Candelaria.
Nadagdag naman sa talaan ng mga namatay ang isang 73-anyos na babae mula sa Brgy. Mangan-Vaca, Subic na kinilala bilang si ZAM1021.
Sa kabuuan, sumipa na sa 1,223 ang kumpirmadong kaso ng virus sa lalawigan. 187 dito ang aktibong kaso at 27 ang nasawi.