Mariing kinondena ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang kasalukuyan nang nagaganap na vote-buying sa nasabing lalawigan makaraang makatanggap ito ng impormasyon hinggil sa umiiral na ilegal na aktibidad ng mga mapagsamantalang pulitiko sa probinsiya.
Nabatid na nakatanggap ng tip ang gobernador kaugnay ng malawakang vote-buying na nagaganap sa ilang lugar partikular na sa bayan ng Calumpit kung saan lantaran umano ang nagaganap bilihan ng boto.
Ayon kay Gov. Fernando, pinaiimbistigahan na niya sa Philippine National Police (PNP) ang umanoy massive distribution ng pera sa nasabing bayan partikular na sa Barangay Pungo at Caniogan Martes ng gabi kapalit ng boto para sa nalalapit na 2022 elections.
“May mga natatanggap tayong mga tawag tungkol sa pamimigay ng pera sa iba’t ibang lugar at isa nga dito ay ang barangay na ito,” ayon kay Fernando.
Aniya, makaraang makatanggap siya ng impormasyon mula sa isang anonymous tipster ay agad niyang inatasan si Bulacan Police director Col. Rommel Ochave para magsagawa ng checkpoint sa mga nasabing lugar kung saan ilan na mga kolorum na pampasahero ang nasita pero wala naman naiulat na inaresto.
Kaugnay nito, hiniling na rin ng gobernador ang partisipasyon ng Philippine Army (PA) at National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa reklamog vote-buying.
“Our police and other government agencies including me have a duty to protect our countrymen and to defend democracy and protect our people from what is enshrined in our Constitution. Despite the hardships we are going through at this time, let us not allow the evil intentions of traditional politicians na personal na interes lamang ang gusto,” pahayag ni Fernando.
Magugunita noong nakaraang Martes din ng umaga ay inilunsad ang multi-sectoral anti-vote buying campaign upang makatulong para masugpo ang ganitong uri ng pamimili ng boto at masiguro na rin ang maayos, payapa, patas na eleksyon sa Mayo 9, 2022.
Inatasan ni Fernando ang PNP at NBI na mahigpit na bantayan ang mga itinalagang checkpoints partikular na sa nasabing lugar kaugnay ng napapabalitang malawakang pamimili rito ng boto.
Nabatid na base sa natanggap na impormasyon, P500 hanggang P1,000 umano ang ibinabayad kapalit ng kanilang boto.