Gov. Fernando nanawagan ng pagkakaisa sa kabila ng COVID-19 pandemic

“Linawin muna ang datos bago magsalita.”

Ito ang naging tugon ni Bulacan Governor Daniel Fernando kontra sa mga kritiko nito na nagpapahayag ng maling impormasyon sa kaniyang pamamahala sa probinsiya.

Hindi napigilan ni Fernando ang kaniyang pagtitimpi at nagpahayag ng kaniyang saloobin laban sa mga kritikong pilit umanong nililigaw sa katotohanan ang mga Bulakenyo kaugnay ng mga kaganapan at pamamahala ng provincial government sa gitna ng pandemya.

Ayon sa gobernador, hindi napapanahon gaya ng dinaranas ngayong pandemya ng bansa at maging ng buong mundo ang pamumulitika at paninira at sa halip ay magkaisa ang lahat upang masolusyunan ang kinahaharap na suliranin laban sa COVID-19.

Sa ginanap na Provincial Task Force (PTF) COVID-19 Meeting sa pamamagitan ng Zoom na idinaos sa Francisco Balagtas Hall sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, Lungsod ng Malolos nitong Lunes ay sinagot ni Fernando ang lahat ng mga katanungan ng mga pumupuna at kritiko sa kaniyang pamamahala.

Aminado si Fernando na nagkaroon ng ilang pagkukulang sa pagpapaalala ang Bulacan PTF subalit hindi aniya ibig sabihin nito ay mali nang lahat ang pamamahala ng pamahalaang panalalawigan sa lahat ng aspeto.

Aniya, ginagawang lahat ng pamahalaang panlalawigan ang lahat ng makabubuti upang matugunan ang pangangailangan ng mga Bulakenyo gayundin ang mga paraan upang mapalakas ang kampanya at pagsugpo sa COVID-19.

Kabilang sa mga akusasyon ibinabato sa gobernador ay ang umanoy hindi napapamahalaan ng maayos ang lalawigan ng Bulacan sa gitna ng pandemic na kung saan ay tinawag niyang “Hindi Patas na Pag-akusa”.

Nabatid sa Facebook Account post ni Vice Governor Willy Alvarado ay nagtatanong ito kung saan umano napunta ang ipinagkaloob na mahigit P900 milyon mula sa pamahalaang nasyonal sa Bulacan para sa mga apektado ng ilang buwang pandemya.

“Sana po, liwanagin lagi ang datos bago magsalita”, ito ang naging tugon ni Fernando sa mga ibinabato sa kaniyang aniya’y hindi patas na akusasyon.

Ayon kay Fernando, ang ipinagkaloob na mahigit P900 milyon ay hinati ng national government sa lalawigan ng Bulacan, bayan at mga lungsod na siyang mayroong disposisyon sa pondo.

Nabatid na P162 milyon dito ay napunta sa provincial government na siya namang ginamit ultimo singko para sa pagsasaayos ng mga covid center, molecular lab, isolation facilities, equipments at iba pang mga pangangailangan upang labanan ang Covid-19.

Nakapagkaloob na rin umano ang provincial government ng mahigit isang milyon halaga ng ayuda ayon sa gobernador.

Kaugnay naman ng kasalukuyang datos ng COVID-19 sa lalawigan, nilinaw ng gobernador na bilang gateway to the north ang lalawigan ng Bulacan ay natural lamang na tumaas ang kaso ng covid subalit base pa rin aniya sa datos, ang Bulacan ang may pinakamababang kaso sa paligid ng National Capital Region na siyang epicenter ng nasabing virus.

Ang lalawigan rin aniya ang isa sa may pinakamalaking naitalang recoveries sa mga ito.

“Hindi paninira at pagbatikos sa mga nanunungkulan ang solusyon kundi pagkakaisa upang malabanan ang covid. Hindi pagtawag sa kakayahan ng kapwa, hindi paninira sa pinagsisikapan ng sambayanan, hindi ang mga maling impormasyon, hindi ang pambabatikos, hindi ang mga ito ang magtatawid satin sa pandemya sa halip ay ang ating mahigpit na pagkakaisa at pag gabay ng Diyos ang siyang tatapos at lulupig sa pandemyang ito,” ani Fernando.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews