LUNGSOD NG MALOLOS- Kinilala ng Gawad Amerika Foundation ang sakripisyo at kasipagan ni Gob. Daniel Fernando lalo na sa panahon ng pandemya sa paggagawad sa kanya ng 2020 Hero Survivor Award sa ginanap na 19th Gawad Amerika Awards Night noong Nobyembre 21, 2020 sa Hollywood, California, USA.
Sa kanyang video message, pinasalamatan ni Fernando ang award giving body sa pangunguna ni Charles Simbulan para sa patuloy na pagpapahalaga sa kanilang tagumpay.
“Ang ganitong parangal ay lalo pong nagbibigay sa atin ng inspirasyon at motibasyon na patuloy na magsikap at mangarap alang-alang sa ating mga pinaglilingkuran,” ayon kay Gov. Fernando.
Sinabi rin niya na nakakataba ng puso na malaman na may mga tao na nakakakita at nagpapahalaga sa kanilang mga pagsisikap kahit pa hindi naman nila hangad na kilalanin.
“Hindi ko po hangad o hinahabol na mabigyan ng anumang award. Ginagawa lamang natin ang ating tungkulin na pamunuan ang ating lalawigan tungo sa katiwasayan at kapayapaan. Lalo po ngayon na tayo ay nasa krisis dahil sa pandemya at mga kalamidad, hindi natin iniisip ang anumang parangal, bagkus ay pangunahin nating prayoridad ang kaligtasan at kalusugan ng mga Bulakenyo,” aniya.
Maliban kay Fernando, ang iba pang prominenteng personalidad na pinarangalan sa kaparehong aktibidad sina Nora Aunor para sa Lifetime Achievement Award, Erwin Tulfo para sa Lakandula Award, Kinatawan Alfred Vargas para sa Raja Sulayman Award, at Kinatawan Nina Taduran bilang 2020 Outstanding Personality in the Field of Public Service.
Noong nakaraang taon, tinanggap ni Fernando ang pagkilala ng Gawad Amerika para sa Damayang Filipino Movement bilang Most Outstanding NGO in the Field of Public Service.