Hari ng Balagtasang si ‘Huseng Batute’, binaliktanaw sa Ika-123 Taon

LUNGSOD NG MALOLOS — Ipinagdiwang ng mga Bulakenyo ang Ika-123 taong anibersaryo ng kapanganakan ng sikat na manunula at makatang si Jose Corazon De Jesus, sa pamamagitan ng mga pagtatanghal na nagbabalik-tanaw sa kanyang mga hindi matatawarang ambag sa pagbabalagtasan.

Binansagan bilang “Huseng Batute” na kinikilalang unang hari ng Balagtasan noong 1920, siya ay tubong Santa Maria na ipinanganak noong Nobyembre 22, 1896. 

Sinabi ni Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office o PHACTO head Eliseo Dela Cruz na bagama’t si Francisco Balagtas ang nakilala bilang isang makata dahil sa kanyang mga isinulat na tula at panitikan, si Huseng Batute naman ay nakilala sa natatanging pamamaraan nang pagbabalagtasan. 

Nakatuwang ng PHACTO ang Cultural Center of the Philippines o CCP sa pagtatanghal ng “Ang Pagbabalik-Tanaw sa Unang Hari ng Balagtasan” bilang parangal sa Ika-123 taon ni Huseng Batute at bahagi ng isang taong pagdiriwang ng Ika-50 Ginintuang taong anibersaryo ng CCP. 

Sa ginanap na pagtatanghal ng CCP sa ngayo’y moderno nang Nicanor Abellardo Auditorium ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa lungsod ng Malolos, binuhay sa diwa ng mga kabataang nanood ang panliligaw na idinadaan sa pagbabalagtasan. 

Makukulay na interpretasyon ang itinanghal ng mga mangagawa ng sining ng CCP na halaw sa mga tula, awit at sayaw na isinulat ni Huseng Batute. 

Una na riyan ang sayaw na “Arinmunding-munding” ang tula na “Isang Punong Kahoy” na isinulat niya noong 1932, “Ang Pamana” na tinula noong 1925, “Anak ng dalita” at ang awiting “Aking Bayan.”

Si Huseng Batute rin ang sumulat ng sikat na kantang “Bayan Ko”, na unang narinig sa kasagsagan ng mga petisyon sa mga Amerikano na palayain ang Pilipinas.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews