Higit 1600, nakinabang sa ikalawang bugso ng FABayanihan-AICS Batch 1

MARIVELES, Bataan – Umabot na sa Php 25 milyon ang ayudang naipamigay ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng inisyatibong FABayanihan ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB).

Sa kabuuan, 8,339 na ang nabenepisyuhan ng FABayanihan sa pagtutulungan ng DSWD, opisina ni Bataan 2nd District Representative Jose Enrique “Joet” Garcia III, at opisina ni Senator Bong Go.

Samantala, nakapagbahagi ng kabuuang Php 5 milyong halaga ng cash assistance sa 1,672 na benepisyaryo ang isinagawang payout na isinagawa noong 17-18 Hunyo 2021. Bagamat nagkaroon ng ilang problema ukol sa pagtuloy ng payout dulot ng idineklarang Modified Enhanced Community (MECQ) sa Bataan mula 16 – 30 ng Hunyo 2021, hindi ito naging hadlang upang pagsumikapan ng AFAB na makakuha ng permiso na maisagawa ang pamamahagi ng ayuda sa sa itinakdang iskedyul nito.

Kaugnay nito, mahigpit na ipinatupad ng AFAB ang implementasyon ng health at safety protocols ayon sa umiiral na MECQ. Binigyang prayoridad din ng AFAB ang pag-alalay sa mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs) o mayroong medical conditions, at mga buntis sa pamamagitan ng pagkakaroon ng special booth sa mga ito na matatagpuan sa mismong entrance ng SFB 7 kung saan ginanap ang payout.

Kahanga-hanga naman ang ipinamamalas na disiplina at pagtalima ng mga benepisyaryo sa mga protocols para sa ligtas na pagdaraos ng aktibidad.

Nakatakip man ng face shield at face mask, mararamdaman ang tuwa ng mga benepisyaryong nakatanggap ng ayudang hindi bababa sa Php3,000 cash assistance mula sa AICS at grocery packs, food packs, vitamins, face mask, at face shield mula kay Sen. Go.

May ilan ding pinalad na makapag-uwi ng isa sa anim na bisikleta, anim na tablet computers, at apat na pares ng branded na sapatos na ipinaraffle ng opisina ni Sen. Go.

Mga aprubadong benepisyaryo na mula pa rin sa Batch 1 na listahan ng mga na-prequalify ng DSWD ang mga naging prayoridad ng katatapos lang na FABayanihan-AICS.

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ng AFAB sa naging napakalaking kontribusyon ng opisina ni Cong. Joet Garcia upang gawing posible ang unang inisyatibong ito sa ilalim ng FABayanihan, pati na rin sa opisina ni Sen. Bong Go at sa DSWD.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews