Hindi maikakaila ang tindi nang impluwensiya ng kanluraning sining at kultura sa kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan. Kaya naman minarapat sa Bulacan bilang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining nitong Pebrero na agapan na tuluyang mabura ang mga katutubong awitin sa pamamagitan ng pagtatanghal ng Hiraya.
Tampok dito ang mga baguhang kabataang Musikong Bulakenyo na nagsipagtanghal ng mga sinaunang awitin at musika ng mga katandaan sa Bulacan.
Partikular sa kanilang itinanghal ang mga awitin at musika ng mga matatandang Bulakenyo na naninirahan sa mga bayan ng San Miguel, Pandi at Obando. Ayon kay Eliseo Dela Cruz, pinuno ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office (PHACTO), layunin nito na maipamulat sa kasalukuyang henerasyon ng mga Bulakenyo ang pagkakakilanlan ng lalawigan sa larangan ng awit at musika.
Kaya naman nakatuwang ng PHACTO ang College of Music ng University of the Philippines sa pagtatanghal na ito na pinamagatang “Hiraya.” Para kay Program director Daniel Ray C. Eramis, pinili ang pamagat na ito na nangangahulugang makikita sa pamamaraan kung paano naglakip ang tatlong uri ng musika na kanilang naranasan kasama ang mga gawi ng kultural musikal.
Kabilang sa mga itinanghal ang awiting “Pagbabagay” na inaawit ng mga magsasakang taga- San Miguel habang nagtatanim ng Palay upang maibsan ang hirap sa trabaho. Partikular itong inaawit sa barangay Mandile sa pamamagitan ng “Hagok” o “Hagod” na ginagamit ang bahagi ng bibig, lalamunan at pag-ihip ng hangin upang makalikha ng ritmong tunog.
Bukod dito, kalakip ng pag-awit ang tinatawag na “Basulto”, isang improbisadong sagutan ng mga magsasaka o manananim na may biruan o kantyawan na nagpapasaya habang nayuko sa pagtatanim.
Ang awitin namang “Butil ng Bigas” , sinasalamin nito ang pagiging rice bowl San Miguel bilang bayan na may pinakamalawak na palayan sa Bulacan. Ipinapakita sa awitin na ang pagsasaka ay isang yaman na kalakip ng sining, kultura, pagningas at pagyabong.
Itinampok din ang “Ligaw Probinsiya” na awitin ng mga nanay sa Santa Rosario Cantada sa barangay Cupang sa Pandi. Isa silang grupo ng mga mang-aawit na tumutugtog ng Rondalla. Sa pamamagitan ng pag-awit, nagisasalaysay nila kung gaano kakisig ang isang binata na nanunuyo sa isang dilag.
Ipinapakita na ang mga binatang Bulakenyo ay hindi masalita pagdating sa pagpapahayag ng nararamdamang pag-ibig. Kundi ipinapakita ito ang kanyang nararamdaman sa dalaga sa pamamagitan ng paggawa ng pagsibak ng kahoy at pag-iigib ng tubig.
Ang awiting “Pinipig” na galing din sa Pandi ay nagbabahagi naman ng anyaya ng babae sa kanyang asawa upang dumulog sa kanilang “kubo ng pag-ibig.” Dito ay pinaglaruan ang salitang “Pinipig” bilang “pagpipigil” na nagbibigay ng mapaglarong kaisipan sa mga nakakapakinig nito.
Sa awiting “Halina, Hiling Na” ng Obando, isa itong paghikayat sa lahat na alamin ang katutubong kultura at makisaya sa mga selebrasyon ng buhay. Tampok dito ang Musikong Bumbong o ang mga instrumenting pang musika na yari sa mga Yantok at Kawayan. Hango ito sa pinagsama-samang kapistahan na ipinagdiriwang sa Bulacan na sumisimbulo sa himig ng bagong pag-asa.
Pinakasikat naman sa mga iprinisinta ang “Santa Clara”, na sinasayaw tuwing kapistahan ng bayan ng Obando. Nabuo ito mula pa noong panahon ng mga Kastila sa paniniwalang ang pagsayaw sa isa sa mga patrona nitong si Santa Clara, ay mapagkakalooban ng hinihiling na anak para sa mga mag-asawa.
Kasama sa kasaysayan nito na ang unang pag-indak sa awiting Santa Clara ay ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na ginamit ang Musikong Bumbong.
Kaugnay nito, nagsilbing mga musikong kabataang Bulakenyo ang mga mag-aaral ng Marcelo H. Del Pilar National High School-Department of Arts and Design. Ginanap ito sa Guillermo Tolentino Exhibition Hall ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa lungsod ng Malolos, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining.