Housing Project sa Talavera, binisita ng NHA

Nagsagawa ng inspeksyon ang National Housing Authority o NHA sa estado ng housing project sa Talavera, Nueva Ecija.

Ipinahayag ni NHA Tarlac/Nueva Ecija/ Aurora District Office Manager Jerome Yabot ang pagkamangha sa maayos, mabilis at magandang pagpapatupad ng proyekto sa naturang bayan.

Ang unang phase ng proyekto na malapit nang buksan ay mayroong humigit 60 yunit ng pabahay na matatagpuan sa Barangay Lomboy, na pangatlong housing project ng pinagtutulungan ng pamahalaang lokal ng Talavera at NHA. 

Pahayag ni Yabot ay patuloy at handang makipagtulungan ang ahensiya upang madagdagan at mas dumami pa ang mga  katulad na proyekto sa Talavera.

Lubos ang pasasalamat ng pamahalaang lokal sa pangunguna ni Mayor Nerito Santos, Jr. sa lahat ng mga ahensiyang tumutulong upang magkaroon ng abot-kaya at desenteng pabahay ang mga nangangailangang mamamayan na wala pang sariling tahanan. 

Bukod sa mismong pabahay na ipinagkaloob ng NHA ay katuwang din sa proyekto ang Department of Human Settlements and Urban Development na namamahala sa site development samantalang sagot ng pamahalaang lokal ng Talavera ang lupang kinatatayuan ng proyekto.

Ayon naman kay Vice Mayor Nerivi Martinez, nag-iisip at gumagawa ng paraan ang pamahalaang lokal upang mabigyang solusyon ang marami pang kailangang pabahay para sa mga mamamayan, kabilang na ang pagbili ng mga lote para sa karagdagan pang mga housing project. 

Nakalinya din sa mga tinututukang programa ng pamahalaang bayan ng Talavera para sa taong ito ang patuloy na paghahatid ng mga social services, at iba pang mga pagawain tulad ng government center at pagpapasaayos ng pamilihang bayan. (CLJD/CCN-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews