MALOLOS — Magdiriwang ang lalawigan ng ika-167 taong kapanganakan ng bayaning si Marcelo H. del Pilar sa kanyang dambana sa bayan ng Bulakan sa darating na Agosto 30, 2017.
Ang naturang araw ay ideneklara din bilang isang “special non-working holiday sa buong probinsya alinsunod sa nakasaad sa Republic Act 7449 na pinagtibay noong panahon pa ni dating Pangulong Corzaon Aquino.
Ideneklara ang naturang araw na isang espesyal na araw sa lalawigan upang gunitain at pahalagahan ang kapanganakan ni Del Pilar na kilala bilang isang dakilang manunulat, propagandistang Bulakenyo na nakiisa sa pakikipaglaban upang makamtam ang minimithing kalayaan ng bansa.
Si Marcelo na mas kilala sa tawag na “Plaridel” na kanyang ginagamit sa kanyang panulat ay kasama sa grupo nina Jose Rizal at Graciano Lopez Jaena na nagsimula ng propaganda movement laban sa mga Kastila noong 1880s hanggang sa kanyang kamatayan noong hulyo 4, 1896.
Siya rin ang nagtatag ng Diaryong Tagalog at nagsilbi rin bilang mamahayag at editor ng La Solidaridad. –Vinson F. Concepcion