Libu-libong Bulakenyo ang dumalo at ginunita ang Ika-93 Guning Taon ng Kapanganakan at kabayanihan ni Gat Blas F. Ople na tinaguriang “Father of Overseas Employment” na ginanap sa harap ng Gat Blas F. Ople Building (Livelihood Training Center) kahapon ng umaga sa Lungsod ng Malolos.
“Si Gat Blas F. Ople ay regalo ng Bulacan sa mundo. Taun-taon, hindi po kami magsasawang gunitain ka. Sa mga darating pang henerasyon, ikaw ay itatatak namin sa mga batang balang araw ay magiging lider. Ang inukit mo sa Bulacan ay hindi kayang sirain”.
Ito ang mensahe ng paghanga ni Governor Daniel Fernando kay Gat Blas F. Ople sa komemorasyon ng kaniyang araw ng kapanganakan na may temang “Pagtugon sa Tawag ng Tungkulin Tungo sa Dakilang Mithiin”.
Kasama sa mga dumalo sina Undersecretary Ernesto Carolina ng Philippine Veterans Affairs Office, Mayor Gilbert Gatchalian ng Lungsod ng Malolos at Mayor Ambrosio Cruz, Jr. ng Guiguinto, mga Bokal Erlene Luz Dela Cruz, Allan Andan, at Alex Castro, mga boluntaryong manggagawa, mga beterano, boy scouts, mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at media.
Nagbahagi rin ng mensahe ang kanyang anak na si dating Bokal Felix V. Ople sa ngalan ng kanilang pamilya at kinilala ang dedikasyon ng kanyang ama sa larangan ng paglilingkod sa publiko.
“Hanggang sa huling hantungan, lagi po niyang inaalay ang kanyang buhay sa ngalan ng ating bayan. Hanggang sa huli, siya po ay naglilingkod para sa ating lahat,” ani Ople.
Samantala, hinikayat naman ni Usec. Carolina, panauhing pandangal, ang mga kabataang Bulakenyo na maglingkod ng tapat at itaguyod ang kapakanan ng bansa.
“Bagaman ang kanyang kabayanihan ay nababasa o naririnig sa mga pagdiriwang na gaya nito, hinihimok ko ang mga kabataan na maging matapat at maglingkod ng marangal sa ating bayan gaya ni Blas Ople at tumulong sa pagtataguyod sa kapakanan ng sambayanan,” ani Carolina.
Bilang isang kabataan, lumaban din si Ka Blas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdigan sa ilalim ng rehimeng Del Pilar at Buenavista ng Bulacan Military Area na itinatag ng dating gobernador ng Bulacan na si Alejo Santos.