LUNGSOD NG MALOLOS — Magbubukas ngayong Pebrero 15 ang ikalawang bahagi ng North Luzon Expressway o NLEX-Harbor Link Project.
Iyan ang tiniyak ni NLEX Corporation Chief Operating Officer Raul Ignacio kay Public Works and Highways Secretary Mark Villar matapos mag-inspeksyon ang kalihim nitong Biyernes.
Ipinaliwanag ng kalihim na kung bumilis na ang biyahe mula NLEX Mindanao Avenue Exit hanggang C-3 road mula nang nagbukas ang unang bahagi ng NLEX Harbor Link noong Pebrero 2019, mas bibilis pa dahil ang karugtong nito na hanggang R-10 sa bukana ng Pier ng Maynila ay magiging 10 minuto na lang.
Target na buksan ang buong 8.25 kilometrong elevated NLEX Harbor Link hanggang R-10 sa Marso 2020.
May kabuuang 15 bilyong pisong halaga ang proyekto na naitayo sa pamamagitan ng sistemang Built-Operate-Transfer.
Idinisenyo ito upang paluwagin ang NLEX Balintawak sa pamamagitan ng pagtatayo ng elevated expressway papuntang pier na ngayo’y daanan na ng mga kargamento mula sa Hilaga at Gitnang Luzon.