SAN RAFAEL, Bulacan — Target matapos sa kalagitnaan ng taong ito ang konstruksyon ng ikalawang viaduct ng Plaridel Bypass Road na ngayo’y 70 porsyento na ang nagagawa.
Isa itong 1.2 kilometrong tulay na tumatawid sa ilog Angat sa pagitan ng mga bayan ng San Rafael at Bustos.
Katabi ito ng naunang naitayong viaduct na binuksan noong Abril 2018 bilang bahagi ng 24 kilometrong Plaridel Bypass Road mula sa Balagtas Exit ng North Luzon Expressway o NLEX hanggang sa San Rafael.
Sa isang inspeksyon at project briefing na isinagawa ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar sa isang proyekto sa NLEX, sinabi nito na ang pagtatayo ng ikalawang viaduct ay bahagi ng ginagawang pagpapalapad sa Plaridel Bypass Road.
Pinondohan ito ng Japan International Cooperation Agency o JICA sa halagang 9.39 billion yen o katumbas ng 4.3 bilyong piso. Kasabay ng pagtatayo ng ikalawang viaduct, ginagawang apat na linya ang kasalukuyang salubungang Plaridel Bypass Road.
Matatandaan na sinimulang ipagawa ng Department of Public Works and Highways ang unang dalawang linya ng Plaridel Bypass Road noong 2008, bilang tugon sa matinding trapik sa Daang Maharlika mula Guiguinto hanggang Baliwag.
Nabuksan ang unang bahagi nito taong 2012 mula NLEX-Balagtas Exit hanggang Plaridel, 2013 hanggang Bustos at nitong 2018 hanggang sa San Rafael. Ang JICA rin ang nagpondo nito sa halagang 3.3 bilyong piso.
Target namang matapos ang kabuuan ng pagpapalapad ng Plaridel Bypass Road sa taong 2021.
Nagsisilbi itong gateway mula sa NLEX-Balagtas Exit papunta sa mga bayan ng Balagtas, Guiguinto, Plaridel, Pandi, Bustos at San Rafael nang hindi na dadaan sa Daang Maharlika.
Ang pagpapalapad sa Plaridel Bypass Road ay kabilang sa mga prayoridad ng administrasyong Duterte sa ilalim ng Build-Build-Build Infrastructure Program.