BALER, Aurora (PIA) — Bumagal sa 0.3 porsyento ang inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lalawigan Aurora nitong Enero 2024.
Ito ay batay sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) Consumer Price Index (CPI).
Ayon kay PSA Aurora Supervising Statistical Specialist Ferdinand Santiago, mas mababa ito kumpara sa 1.8 porsyento na naitala nitong Disyembre 2023 at 12.4 porsyento noong Enero 2023.
Ang lalawigan ang pangawala sa may pinakamabagal na inflation rate sa buong Gitnang Luzon matapos ang lungsod ng Angeles na nakapagtala ng 0.2 porsyento.
Aniya, ang ilan sa dahilan ng mas mababang inflation sa lalawigan ay ang mabagal na pagtaas ng presyo sa commodity group na kinabibilangan ng food and non-alcoholic beverages na nagtala lamang ng 1.4 porsyento mula sa 5.3 porsyento noong Disyembre 2023.
Sa ilalim ng commodity group na ito pinakamalaki ang binagal sa pagtaas ng presyo ang gulay na nakapagtala ng -27.8 porsyento kumpara noong Disyembre na may -15.4 poryento; isda at iba pang pagkaing-dagat na nakapagtala ng 1.4 porsyento kumpara noong Disyembre na may 3.9 porsyento; at gatas, mga produktong mula sa gatas at itlog na nakapagtala ng 0.6 porsyento kumpara noong Disyembre na may 6.3 porsyento.
Ayon pa kay Santiago, nakatulong din sa pagbagal ng inflation ang commodity group na recreation, sport and culture na nagtala lamang ng 5.5 porsyento mula sa 6.7 porsyento noong Disyembre; personal care and miscellaneous goods and services na nagtala lamang ng 4.2 porsyento mula sa 5.1 porsyento noong Disyembre; furnishings, household equipment and routine household maintenance na may naitalang 3.4 porsyento mula sa 4.0 porsyento noong Disyembre; at information and communication na may naitalang 0.3 porsyento mula sa 0.5 porsyento noong Disyembre.
Ang pag-uulat ng inflation rate o ang paggalaw ng presyo ng mga bilihin ay regular nang isasagawa ng PSA kada buwan upang magabayan ang mga mamimili, negosyante at pamahalaan sa kanilang pag babadyet, pagpaplano at pagpapatupad ng mga polisiya. (CLJD/MAT-PIA 3)