LUNGSOD NG MALOLOSĀ (PIA) — Susubukang gamitin sa Centralized Quarantine Facility ng Bulacan Medical Center o BMC ang mga RoviDoc o Robot Roving Doctor na naimbento ng mga propesor sa information technology sa San Jose Del Monte Campus ng Bulacan State University o BulSU.
Ipinaliwanag ni Jayson Victoriano, direktor ng Institute for Innovation in Business and Emerging Technologies ng BulSU-San Jose Del Monte, itong RoviDoc ay tutugon upang matiyak ang kaligtasan din ng mga doktor at nars na gumagamot sa mga may sakit na coronavirus disease o COVID-19.
Dinisenyo ito upang siyang direktang kumalinga at magbigay ng mga pangangailangan ng pasyenteng may COVID-19 na hindi na kailangang lapitan nang personal ng mga doktor o nars.
Kaya nitong asikasuhin ang health care service ng bawat pasyente, magbigay ng suplay ng gamot sa takdang araw at tamang oras at mabantayan ang kondisyon ng isang pasyente kung gumagaling o hindi.
Pwede rin nitong makita ang tunay na lagay ng isang pasyente sa pamamagitan ng nakakabit na RoviDoc Apps.
Tatlong yunit ng RoviDoc ang inaprubahan ni Gobernador Daniel Fernando na idedestino sa kada palapag ng tatlong palapag na gagawing Central Quarantine Facility sa BMC.
Bawat isang yunit ay nagkakahalaga ng 150 libong kung saan tutulong sa pagpopondo ang pamahalaang panlalawigan.