Inilahad ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang mga inisyatibo upang masugpo ang sakit na Tuberculosis o TB sa Gitnang Luzon.
Ayon kay Department of Health Regional Director Corazon Flores, mahalaga ang kooperasyon at pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan at mga pribadong tanggapan upang mahanap ang mga may sakit ng TB, mabigyan ng libre at tamang gamutan.
Ang bawat mamamayan ay mayroong magagawa upang mawala o matigil na ang pagdami ng mga nagkakasakit ng TB sa pamamagitan ng pamamahagi ng tamang impormasyon tungkol sa mga serbisyong ibinababa ng pamahalaan.
Kaugnay nito ay iniulat ng iba’t ibang kagawaran ang mga gampanin kontra TB sa selebrasyon ng rehiyon ng National TB Day na idinaos sa Nueva Ecija Convention Center sa lungsod ng Palayan.
Pahayag ni Philippine Information Agency Assistant Regional Director Carlo Lorenzo Datu, panahon na upang itama ang maling akala ng mga tao hinggil sa TB sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na paghahatid kaalaman at impormasyon.
Nagsasagawa ang PIA ng mga talakayan at pagbabalita upang makahikayat sa mga mamamayan partikular sa mga kabataang maging katuwang ng pamahalaan sa pamamahagi ng tamang impormasyon kasama na ang tungkol sa pangkalusugan.
Nakapaloob din sa mga family development session ng Department of Social Welfare and Development ang pagbibigay kaalaman sa mga benepisyaryo hinggil sa iba’t ibang paksa na makatutulong sa pamumuhay kasama na ang tungkol sa TB Prevention and Control.
Inuubliga naman ng Department of Labor and Employment o DOLE ang bawat kumpanya na magkaroon ng mga patakaran upang maiwasan ang mga pagkakasakit tulad ng TB sa mga lugar ng trabaho gayundin ang pagtatalaga ng mga health and safety officer.
Ayon kay DOLE Provincial Director Maylene Evangelista, kabilang sa mga patakarang ito ay ang pagsasagawa ng advocacy training at lecture kontra TB gayundin ang pagkakaroon ng screening, treatment at referral sa mga matutukoy na may sakit.
Ipinaliwanag naman ng Philippine Health Insurance Corporation ang pagkakaloob ng TB DOTS benefit package bilang suporta sa mga consultation, anti-tuberculosis medicines at diagnostic services na kailangan ng bawat pasyente.
Sa bahagi ng Department of the Interior and Local Government ay kanilang pinangangasiwaan ang pagsasagawa ng assessment hinggil sa mga gampanin ng mga lokal na pamahalaan partikular sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo kasama na ang programang pangkalusugan.
Dito ay ibinahagi mismo ni Cuyapo Mayor Florida Esteban ang mga programa sa pagsugpo sa TB na kasama sa mga ibinababang serbisyo sa mga barangay kada linggo.
Bukod pa aniya ang pakikipagtulungan nila sa DOH at non-governmental organizations sa paghihikayat sa mga mamamayang magpasuri upang matukoy ang mga may sakit ng TB nang matulungan sa pagpapagamot hanggang sa tuluyang gumaling. (CLJD/CCN-PIA 3)