Isang kinse anyos na batang lalaki ang nasa kritikal na kundisyon makaraang masunog ang halos 90 porsiyentong katawan nito habang apat pang menor de edad na kasama nito ang sugatan makaraang aksidenteng masabugan ng sinisindihang fountain kamakalawa ng hapon sa Barangay Lolomboy sa Bocaue, Bulacan.
Base sa panimulang imbestigasyon ng pulisya, nakilala ang mga biktima na sina Jamil Roxas, 15, estudyante na siyang nasa malubhang kalagayan matapos masunog ng 3rd degree burn ang buong katawan, sugatan din ang mga kaibigan nito na sina John David Yambao 16, Jessie Habal 14, Isaac Paraiso 15 at Mark Joseph Ignacio 16 pawang ng nasabing lugar.
Nabatid na siyam na kabataan ang sinasabing sama-samang naliligo sa tabing ilog sa Barangay Lolomboy at pagkaraan ay napagkatuwaang mamitas ng buko na kung saan ang puno ng buko ay katabi ng isang napagkamalang tambak ng buhangin subalit ito pala ay tumpok ng pulbura ng paputok.
Ayon sa isang testigo, pinapalo umano ng mga biktima ng malaking bato ang bukong pinitas mula sa puno nang biglang nagliyab at sumabog ang katabing tambak ng pulbura na inakalang buhangin.
Iba naman ang salaysay ng isang nakilalang Rica Fortugal, 15 ng Barangay Bambang ng nasabi ring bayan, aniya, nakita niyang mayroong sinisindihang fountain ang mga biktima nang bigla na lamang itong sumambulat sa kanilang harapan.
Hinihinalang ang nasabing pyrotechnic device ay nakuha umano ng mga biktima sa isang abandonadong kubo na gawaan ng paputok nitong nakaraang Disyembre.
Kapwa nagliyab ang ilang bahagi ng katawan ng mga bata subalit mas malaki ang napinsala kay Roxas mula sa buong mukha nito at katawan.
Maagap na isinugod sa Rogaciano District Hospital ang mga biktima ngunit kalaunan ay inilipat ang mga ito sa Bulacan Medical Center.
Masuwerte namang nakaligtas ang ibang kasamahan ng mga biktima na nakilalang sina Matt Erron Asejo, 15 at Macoy Silvestre, 14 ng nasabi ring lugar.
Patuloy pang iniimbistigahan ng kapulisan ang insidente at pinaghahahanap ang responsable sa sino mang nagtambak ng pulbura upang mapanagot sa naganap na insidente.