Naghahanap na ngayon ng mga gusali ang National Task Force on COVID -19 para gawing isolation facilities ng mga nagtatatrabaho sa industrial at technoparks sa Metro Manila, at mga lalawigan ng Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal.
Ito ay dahil batay sa datos ng IATF at DOH, 34 percent ng mga COVID cases sa bansa ay naitala sa Region 4A partikular sa Laguna na nanggagaling sa mga industrial companies.
Ayon kay National Task Force on COVID-19 (NTF COVID-19) Chief Implementer Carlito Galvez Jr. napagkasunduan sa kanilang pagpupulong na lahat nang positibo sa COVID 19 at nagta trabaho sa industrial at techno parks ay dapat na mayroong isolation facilties at hindi na dapat umuuwi sa kanilang pamilya para sa self quarantine.
Sinabi pa ni Galvez, hindi na rin dapat na nakikihati sa quarantine facilities na itinatayo ng mga LGUs ang mga nagpopositibong industrial at techno parks workers dahil puno na rin ang mga ito.
Dagdag pa ng opisyal, maaari rin aniyang isama na gastusin ng mga business sector ang pagkakaroon ng sariling isolation facilities para sa kanilang mga empleyado.
Samantala, bukod sa paghahanap ng isolation facilities, target rin ng NTF on COVID -19 na pataasin ang testing capacity sa Laguna na siyang may maraming industrial companies.
Sa ngayon ay nasa 400 hanggang 600 test lang kada araw ang nagagawa sa Laguna.