Itatayong pabrika ng bisikleta sa Santa Maria, aprubado na ng BOI

LUNGSOD NG MALOLOS — Inaprubahan ng Board of Investments ang pagtatayo ng isang pabrika ng iba’t ibang uri ng bisikleta sa Santa Maria, Bulacan.

May halagang 356 milyong piso ang pamumuhunan na ilalagak ng TRINX Bicycle Sport Technology Corporation na inaasahang magdadagdag ng suplay ng bisikleta lalo na ngayong limitado ang mga pampublikong sasakyan dahil sa nararanasang pandemya.

Bukod paggawa ng bisikleta para sa lokal na suplay, 75 porsyento ng produksyon ay iluluwas o magiging export sa Estados Unidos at Europa kaya’t magtatamo ng tax incentives mula sa pamahalaan ang nasabing mamumuhunan. 

Sa ginanap na Provincial Business Sector Partners Meeting, sinabi ni Department of Trade and Industry Bulacan Provincial Director Edna Dizon na  lilikha ng panibagong 100 trabaho ang itatayong pabrika ng bisikleta.

Makakadagdag din aniya ito sa internal revenue ng pamahalaang bayan ng Santa Maria at malaking ambag sa muling pagbangon ng ekonomiya sa kabuaan. 

Kabilang sa mai-manufacture sa pabrika ang mga road and mountain bikes, foldable electric bikes o E-Bikes, at iba pang variant ng mga bisikleta.

Target buksan ang pabrika sa Setyembre 2021 na kayang lumikha ng 200 libong yunit ng iba’t ibang uri ng bisikleta kada taon.

Kaugnay nito, binigyang diin pa ni Dizon na makakatulong ang pamumuhunang ito para mas marami ang tumangkilik sa pagbibisikleta na makakabawas sa polusyon sa hangin, at malaking tulong sa pagpapalakas ng kahutukan ng katawan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews