Japan popondohan PNR Clark Line 2

LUNGSOD NG MALOLOS — Popondohan ng Japan ang kalahati sa gastusin para sa bubuhaying riles ng Philippine National Railways o PNR mula sa Malolos hanggang sa Clark International Airport o CRK.

Ayon sa Department of Transportation o DOTr, nagkaroon ito ng katiyakan sa isinagawang exchange of notes sa pagitan ng Department of Foreign Affairs at Japan International Cooperation Agency o JICA.

Sinaksihan ito ng bumibisitang si Dr. Hiroto Izumi, ang special adviser ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe at Shigeru Kiyama na special adviser naman ng gabite ng Japan.

Sa isang hiwalay na panayam kay DOTr Undersecretary for Railways Timothy Batan, sinabi nito na ang Line 2 ng PNR Clark ay nagkakahalaga ng 211 bilyong piso na magkatuwang na pinopondohan ng JICA at Asian Development Bank.

May haba itong 53 kilometro mula sa Malolos na dadaan sa Calumpit, Apalit, San Simon, Sto. Tomas, San Fernando, Angeles at CRK. Nirerepaso na rin ang ruta hanggang sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Ikakabit ang Line 2 sa Line 1 nito na mula sa Malolos hanggang sa Tutuban sa Maynila.

Nagkakahalaga ang Line 1 ng 106 bilyong piso kung saan 93 bilyong piso ang sasagutin ng Official Development Assistance ng Japan.(CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews