Joint Industrial Peace Concerns Office, inilunsad sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS — Pormal nang inilunsad sa Bulacan ang Joint Industrial Peace Concerns Office o JIPCO na isa sa mga programa ng kapulisan upang labanan ang insurehensiya sa lalawigan.

Layunin ng JIPCO na maproteksyunan ang kapwa interes ng mga manggagawa at mga kumpanyang kanilang pinapasukan. 

Ayon kay Police Regional Director PBGen. Rhodel Sermonia, matitiyak ng JIPCO na hindi mapapasok ng anumang samahan na may kaugnayan sa insurehensiya ang legal na unyon ng mga manggagawa.

Gayundin, magbibigay din ito ng proteksyon sa mga kumpanya na hindi mapabagsak ng insurehensiya at hindi magdulot ng malawakang pagkawala ng mga trabaho. 

Ipapatupad ng kapulisan ang mekanismong Tripartism kung saan tutulong ito na maresolba ang iba’t ibang usapin sa paggawa sa pamamagitan ng mainam na pag-uusap ng mga ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa paggawa, mga kumpanya at ng mga manggagawa nito.

Binigyang diin pa ni Sermonia na tukoy nila ang mga samahang pinagkakanlungan ng mga personalidad na kasapi sa insurehensiya. 

Partikular na babantayan ng JIPCO ang mga kumpanyang nasa loob ng mga economic zones na pinangangasiwaan ng Philippine Economic Zone Authority.

Kabilang diyan ang Santa Maria Industrial Park na naging isang special economic zone sa bisa ng Proclamation 337, series of 2003 ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews