Jonathan V. Geronimo ng UST, Itinanghal na KWF Mananaysay ng Taón 2021

Itinanghal si Jonathan V.  Geronimo na KWF Mananaysay ng Taón 2021 pára sa kaniyang sanaysay na “Isang Dipang Langit: Ang Wika ng Posibilidad sa Pambansang Pagpapalayà bílang Dalumat sa mga Akdang Piitan.” Makatatanggap siyá ng PHP30,000.00 at karangalang maging “Mananaysay ng Taón,” medalya, at plake.

Nagwagî din si David Michael M. San Juan ng ikalawang gantimpala pára sa kaniyang sanaysay na “Wikang Filipino Bílang Behikulo ng Dekolonisasyon ng Pagsulat ng Kasaysayan: Hinabing Danas, Salaysay, Dokumento, Awit, Akda, Pelikula, at Estadistika Bílang Maikling Kasaysayan ng Pilipinas sa Panahon ng Diktadurang Marcos.” Makatatanggap siyá ng PHP20,000.00 at sertipiko. Hinirang naman si Axle Christien J. Tugano sa ikatlong gantimpala pára sa kaniyang sanaysay na “Wikang Filipino Túngo sa Kaunawaan at Kakanyahang Asyano: Gunita ng Isang Pilipinong Manlalakbay sa mga Pronterang Timog Silangang Asya.” Makatatanggap siyá ng PHP15,000.00 at sertipiko.

Si Jonathan V.  Geronimo ay kasalukuyang guro sa University of Santo Tomas. Nagtapos ng PhD sa Araling Filipino–Wika, Kultura, at Midya sa De La Salle University-Manila. Nagsilbi siyáng Managing Editor ng HASAAN, interdisiplinaryong journal sa Filipino ng UST, at Kawing Journal ng PSLLF sa kasalukuyan. Naging kalahok ng mga pambansang palihan kabílang ang ika-6 na Palihang Rogelio Sicat, 2nd UST National Creative Writing Workshop, at KRITIKA National Workshop on Art and Cultural Criticism. Nailathala ang kaniyang mga pananaliksik sa pambansa at internasyonal na journal. Nagwagî sa Gawad Sanaysay ng KWF (2012) at Katiting Micro-fiction Contest ng NHCP (2015). Napilì siyáng maging kalahok sa Performance Studies International Summer School sa Daegu, Seoul Korea (2017). Kasapi siyá ng mga samaháng pangwika at pangguro kabílang ang pagiging Kagawad ng PSLLF, Secretary General ng ACT Private Schools, at naihalal na maging kasapi ng Executive Committee ng NCCA-National Commission on Language and Translation (mula 2020–2022).

Ang Sanaysay ng Taón ay taunang timpalak ng KWF na naglalayong himukin ang mga natatanging mananaysay ng bansa na ilahok ang kanilang mga akda.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews