Joni Villanueva General Hospital pasado sa 3rd hearing sa Kamara

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kongreso ang House Bill 8606 na nagsasabatas sa kasalukuyang ginagawang ospital sa bayan ng Bocaue, Bulacan na ipapangalan sa yumaong Mayor Joni Villannueva bilang isang nationally-funded government hospital.

Ayon sa House Bill 8606, ang naturang pagamutan ang Joni Villanueva General Hospital ay gagawing isang Level 2 hospital at popondohan ng pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng Department of Health (DOH). 


Ang pondong gagamitin dito ay magiging bahagi ng taunang General Appropriations Act o ang national budget at ito ang kauna-unahang nationally-funded hospital sa lalawigan ng Bulacan at pang-anim sa buong rehiyon ng Gitnang Luzon.


Bilang isang Level 2 DOH-hospital, ito ay magkakaroon ng humigit-kumulang 100 bed capacity at mga standard hospital amenities tulad ng emergency rooms, operating room complex, isolation rooms, x-ray machines, level 3 laboratory at iba pa.


Ito ay tatanggap din ng mga pasyente hindi lamang mula sa bayan ng Bocaue at lalawigan ng Bulacan, bagkus maging galing sa mga kalapit lalawigan.


Isinasaad din ng panukalang batas na ang naturang pagamutan ay pinangalanang Joni Villanueva General Hospital bilang pagkilala at parangal sa yumaong Punong Bayan ng Bocaue na siyang nagpasimula nang pagkakatatag nito. 


Nabatid na una ito sana ipapangalan bilang Joaquin Villanueva Center o Bocaue Public Hospital na siyang magiging extension ng Jose B. Lingad Memorial Hospital sa Pampanga subalit sa di inaasahang pangyayari ay nasawi ang noo’y alkalde na si Mayor Joni.

“Sa ngalan po ng aming pamilya, ng buong bayan ng Bocaue at ng dakilang lalawigan ng Bulacan, tayo po ay taos-pusong nagpapasalamat sa Kongreso sa suporta at pag-apruba ng panukalang ito. Ito ay direktang pagkilala at pagtugon ng Kongreso sa pangangailangan ng mga Bulakenyo para sa de-kalidad na serbisyong medikal. Ito po ang kauna-unahang nationally-funded hospital sa buong lalawigan ng Bulacan na magbibigay ng abot-kayang serbisyong medikal hindi lamang sa mga Bocaueño at Bulakenyo bagkus bagkus maging sa mga taga-karatig siyudad at lalawigan,” pahayag ni CIBAC Party-List Representative at House Deputy Speaker Bro. Eddie C. Villanueva, ama ng yumaong alkalde.


Ayon pa kay Deputy Speaker Villanueva na ang ospital na ito ay katuparan ng matayog na pangarap ni Mayor Joni para sa lahat ng Bocaueño at Bulakenyo. 

“Alam kong ito ay nagdudulot ngayon ng galak at tuwa hindi lamang sa kanya doon sa langit bagkus sa bawat Bocaueñong nagmamahal sa kanya,” dagdag nito. 


Matatandaang ang pagtatayo ng isang ospital sa bayan ng Bocaue ang isa sa mga plataporma ng yumaong alkalde noong siya ay unang tumakbo sa pagka-alkalde ng Bocaue. Sa tulong kanyang kapatid na si Senador Joel Villanueva at ng CIBAC Party-List ay unti-unting nabigyan ng katuparan ang proyektong ito. 

“This project was Mayor Joni’s brainchild – from donating her own land property to be the site of this hospital, into lobbying the national government for appropriations needed for its operations – she did it all. Mayor Joni gave her all in the service of the people of Bocaue. Tunay na isinapamuhay ni Mayor Joni ang kanyang prinsipyo: Bocaueños and Bulakeños deserve nothing but the best,” pahayag naman ni dating CIBAC Representative Attorney Sherwin Tugna na kabiyak ng yumaong punongbayan.


Si Mayor Villanueva ay binawian ng buhay noong May 28, 2020 kasagsagan ng pandemiya na sa kabila ng iniindang karamdaman ay patuloy na naglilingkod sa mga Bocauenyos na apektado ng umiiral na health crisis.

Ang House Bill 8606 ay dadalhin sa Senado upang pag-aralan at pagbotohan bago dalhin at lagdaan ng Pangulo at maging ganap na batas. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews