Kabayanihan nina Plaridel, Goyo pundasyon ng bansa

LUNGSOD NG MALOLOS — Kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar at Heneral Gregorio Del Pilar sa kanilang ambag sa pagpupundasyon ng bansa.

Iyan ang sentro ng kanyang mensahe sa pagdiriwang ng Ika-123 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas na ginanap sa harapan ng Kapitolyo ng Bulacan sa lungsod ng Malolos. 

Magkasunod na nagpugay si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga monumento nina Heneral Gregorio Del Pilar at Marcelo H. Del Pilar sa harapan ng Kapitolyo ng Bulacan sa lungsod ng Malolos sa pagdiriwang ng Ika-123 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas. (Presidential Photo)

Iginawad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Order of Lapu-Lapu kay Marita Del Pilar Villatema-Santos, 74 taong gulang na apo sa talampakan, ni Heneral Gregorio Del Pilar. Anak siya ni Elena Del Pilar na anak ni Pablo Del Pilar na kapatid naman ni Heneral Del Pilar. Ito ay bilang pagkilala sa kabayanihan ng magtiyuhing Heneral Del Pilar at Marcelo H. Del Pilar. (Presidential Photo)

Naggawad ng Order of Lapu-Lapu si Duterte bilang pagpaparangal at pagpupugay sa  kabayanihan nina Plaridel at Goyo.

Tinanggap ito ni Marita Del Pilar Villatema-Santos, 74 taong gulang na apo sa talampakan ni Goyo. Anak siya ni Elena Del Pilar na anak ni Pablo Del Pilar na kapatid naman ng batang heneral.

Binigyang diin ni Duterte na ang pagpaparangal ng Order of Lapu-Lapu ay pagkilala sa kanilang kabayanihan na nagsilbing pundasyon ng bansa. 

Kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar at Heneral Gregorio Del Pilar sa kanilang ambag sa pagpupundasyon ng bansa. (Presidential Photo)

Para kay Santos, isang malaking karangalan hindi lamang para sa kanilang pamilya ang paggawad ng Order of Lapu-Lapu kundi sa patuloy na kadakilaan ng lahing Bulakenyo.

Ang Order of Lapu-Lapu ay nilikha ng Pangulo noong 2017 upang maging parangal na ipagkakaloob sa mga indibidwal na huwaran sa paglilingkod sa bayan sa pamamagitan ng kagitingan, kahanga-hangang paglilingkod at katangi-tanging ambag sa bayan. 

Pagkukwento pa ni Duterte, lumaki siyang iniidolo sina Plaridel at Goyo dahil sa kanyang mga nababasa tungkol sa kanila.

Kinilala niya ang katalinuhan ni Plaridel sa larangan ng pagsulat upang maisiwalat ang mga pang-aabuso, kawalang katarungan at kalupitan ng mga manlulupig na mananakop. Kaya’t sa kanyang pangalan naidugtong ang konsepto ng Kalayaan sa Pamamahayag.

Gugunitain ang Ika-125 Taong Anibersaryo ng Pagkamatay ni Plaridel sa Hulyo 4. 

Bukod sa pagiging propagandista at kabilang sa nasa likod ng pagkakatatag ng La Solidaridad, nakilala rin siya sa kasagsagan ng pandemya ng Kolera sa bansa noong 1880s.

Samantala, ipagdiriwang sa Nobyembre 14 ang Ika-146 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng batang heneral na si Goyo. Namatay siya sa edad na 24 habang ipinagtatanggol ang Pasong Tirad sa Ilocos Sur laban sa pwersa ng mga Amerikano noong Disyembre 2, 1899.

Sa kanyang karangalan ipinangalan ang kinaroonan ng Philippine Military Academy sa lungsod ng Baguio bilang Fort Gregorio Del Pilar at isang barko ng Philippine Navy.

Kaugnay nito, hinikayat ni Duterte ang mga Pilipino na tularan at kilalanin ang pamana nina Plaridel at Goyo lalo ngayong nakakaranas ang mundo ng krisis dahil sa pandemya ng COVID-19.

Dahil dito, ngayon naman din aniya ang panahon upang patuloy na kilalanin at parangalan ang mga makabagong bayaning frontliners na iniaalay ang personal na kaligtasan at seguridad para lamang makapaglingkod sa bayan.

Ang pagdiriwang ngayong taon ay nakasentro sa temang  “Diwa ng Kalayaan sa Pagkakaisa at Paghilom ng Bayan”. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews