KABISIGKA Sumalo may panawagan sa DAR

Nitong nagdaang Mierkoles, Marso 10, ay nagpasa ang ilang kinatawan ng grupong KABISIGKA Sumalo ng isang bukas na liham sa tanggapan ni Department of Agrarian Reform (DAR) Sec. John Castriciones sa DAR Central Office sa Quezon City.

“Kami, mga kababaihang residente ng Barangay Sumalo sa Hermosa, Bataan na ngayon ay nagkakabuklod sa ngalan ng KABABAIHANG BISIG NG KAUNLARAN NG SUMALO (KABISIGKA-SUMALO) ay nananawagan sa Department of Agrarian Reform (DAR),” pahayag sa bukas na liham. 

Panawagan ng grupo na itigil na ang CARP o Comprehensive Agrarian Reform Program coverage ng ahensya sa lupang pag-aari ng Pamilya Litton na kinakatawan ng Riverforest Development Corporation o RDC, at nang mabigyang daan na anila ang “tunay na kaunlaran na inaasam ng mas nakararaming residente ng Barangay Sumalo.”

“Hindi mga magsasaka ang naninirahan a Barangay Sumalo. Ang grupong pinamumunuan ng suspendidong kapitan ng barangay, Rolando Martinez, ay nagpapanggap lamang na mga magsasaka sa Sumalo. Kung mayroon mang mangilan-ngilan sa grupo niya na nagtatanim ng pinya at iba pang gulay, ang kanilang taniman ay nasa ibang lugar at wala sa loob ng Sumalo,” saad pa ng nabanggit na liham. 

Dagdag pa ng grupo: “Ang lupang pag aari ng pamilya Litton…na gustong angkinin ni Martinez at ng kanyang grupo sa pamamagitan ng CARP coverage, ay nasa paligid ng aming tinitirhan-ito’y matagal nang nakatiwangwang at hindi produktibong lupa para sa pagsasaka.”

Naniniwala rin ang grupong KABISIGKA Sumalo na “hindi lahat ng taga-Sumalo ang makikinabang sa CARP. Sila Martinez, at marahil ang ilang pulitiko at NGO leaders lamang na tumutulong sa kanya ang makikinabang sa lupang sa simula ay iko-cover ng CARP pero pagkatapos ay ibebenta rin para sa ibang pagkakakitaan.”

Katunayan, ayon pa sa grupo, ay may mga naninirahan nang nakatanggap ng deed of donation galing sa RDC subalit hindi anila nakapagpatuloy ang pamamahagi ng lupa ng RDC dahil sa anila ay pagsabotaheng ginawa ng suspindidong si Martinez at ng kanyang maliit na “pangkat ng agaw-lupa na naka-maskara bilang magsasaka.” 

“Pagkatapos ng katiyakan sa paninirahan, ang kailangan namin ay trabaho, serbisyong publiko at aktwal na makasabay sa kaunlaran ng aming bayan at lalawigan na hindi kailanman maibibigay ni Martinez at ng CARP coverage na isinusulong niya,” sambit ng isang myembro ng KABISIGKA. 
Ayin kay Alona Apable, Tagapangulo ng KABISIGKA Sumalo, napag-iwanan na ang Sumalo dahil anila ay kaguluhang dulot ng “hindi pagkilala ni Martinez at mga kasamahan niya, maging ng DAR, sa Supreme Court decision na kumikilala sa conversion ng lupa ng mga Litton. Sinira ng mandarayang hangarin ng grupo ni Martinez, at mga taga-suporta niya, ang diwa at proseso ng CARP.”

Noon 1994, naideklara na ng Department of Agriculture na ang lupa sa Sumalo ay hindi naaangkop sa gawaing agrikultural. Kinilala ito sa desisyon ng Supreme Court noong taong 2006.

Sa kasalukuyan, ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga naninirahan sa Sumalo ay ang pagiging OFW, pamamasukan bilang factory workers sa Hermosa Ecozone at iba pang hanapbuhay sa labas ng Sumalo at hindi na nakabatay sa lupa at anumang gawaing agrikultural sa Sumalo kasabay anila ng tuluy-tuloy na industriyalisasyon ng lalawigan ng Bataan. 

“Sa bayan ng Hermosa lamang, ang Sumalo ay napapaligiran na ng mga lugar na nagpalit na rin ng gamit ng lupa, katulad ng Hermosa Eco-zone sa Barangay Palihan, Bria at Llana housing projects sa Barangay Pandatung, Residencia Hermosa at Magnolia sa boundary ng Sumalo at Barangay Mambog.”

Naniniwala rin ang naturang women’s group na itinatag nitong Marso 8 kasabay ng International Women’s Day, “ang pag-unlad ng lupa ng RDC ang tanging makapagpapataas ng kalidad ng pamumuhay ng mga taga Sumalo.”
Dagdag pa ng grupo, “magkakatotoo lamang po ito kung makapaglalabas kayo ng cease and desist order sa implementasyon ng CARP at itaguyod po natin ang desisyon ng Supreme Court na kumikilala sa conversion ng lupa at magsisilbing daan ng pag-unlad ng lupa ng Sumalo at pagtaas ng kalidad ng pamumuhay ng higit na nakararaming mamamayan.”

Ayon sa isang local official na minsang nakapanayam ng local media, “magpakatotoo na tayo, sino ba sa mga tao diyan o sa mga kabataan ngayon ang gusto pang magsaka? Mas maraming makikinabang diyan kung madevelop iyan kagaya ng kalapit na Ecozone. Marami ang mabibigyan ng trabaho, uunlad at  magiging masigla ang economic activities sa lugar na iyan.”

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews