LUNGSOD NG MALOLOS — Target palakasin pa ang kalakalan sa pagitan ng Vietnam at ng lalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng pagbubukas ng mas malaking merkado para sa mga Muwebles at pagkaing Tatak Bulakenyo.
Iyan ang resulta ng isinagawang business and trade mission ng mga mangangalakal na Vietnamese sa katatapos na Bulacan Business Conference na bahagi ng taunang pagdiriwang ng Singkaban Festival.
Ayon kay Bulacan Chamber of Commerce and Industry President Cristina Tuzon, maraming produktong Bulakenyo ang nais papasukin sa merkado ng Vietnam pero partikular na interesado ang mga mangangalakal na Vietnamese sa mga Muwebles na nililikha ng mga Bulakenyo at sa mga pagkaing tumutubo at tinitimpla sa Bulacan.
Kilala ang mga Muwebles na likha ng mga Bulakenyo partikular na iyong mga gawa sa Baliwag na pasok sa pandaigdigang pamantayan.
Para naman sa mga produktong agrikultural, bagama’t kapwa may klimang tropical ay interesado pa rin ang mga mangangalakal na Vietnamese sa mangga, dragon fruits, sukang Bulacan at tinapang bangus.
Sa panig ng mga mangangalakal na Vietnamese, nais nilang makipagpalitan ng kalakal na mga kakao, bigas, tinapay, candy, kape, paminta, harina, energy drinks, mga pinatuyong produktong agricultural, at mga de-latang prutas.
Ang delegasyon ng mga mangangalakal na Vietnamese ay pinangunahan ng Ministry of Industry and Trade.
Mula taong 2011 hanggang 2018, tumaas sa 10.7 porsyento ang halaga ng mga kalakal na napagpalitan ng dalawang bansa. Pinakamalaking naitala rito ang 4.7 bilyon dolyar na halaga ng mga kalakal noong 2017. (CLJD/SFV-PIA 3)