Kalihim ng DOTr, kinilala bilang ‘Natatanging Anak ng Cabanatuan’

Kabilang si Transportation Secretary Jaime Bautista sa mga kinilala bilang Natatanging Anak ng Cabanatuan.

Ang naturang seremonya ay idinaos bilang tampok sa pagdiriwang ng Banatu Festival at ika-73 taong pagkakatatag ng siyudad.

Lubos ang pasasalamat ni Bautista sa pagkilalang natanggap mula sa pamahalaang lungsod na magsisilbing hamon aniya upang lalong pagbutihin ang responsibilidad at bagong propesyon na pagsisilbi sa taumbayan bilang kalihim ng Department of Transportation o DOTr.

Isa aniya sa pinakamalaking kagawaran ang DOTr na mayroong 20 attached agencies at 46,000 na mga kawani na pinagkakatiwalaan upang matiyak ang ligtas, abot-kaya at maaasahang pampublikong transportasyon para sa mga Pilipino at mga dayuhan. 

Nangako ang kalihim sa kanyang mga kababayan sa siyudad ng pagkakaroon ng mas magandang sektor ng transportasyon.

Binanggit din ni Bautista na mayroon nang nahanap na pondo ang kagawaran upang pag-aralan ang extension ng Philippine National Railways na sa kasalukuyan ay may ginagawang proyekto mula Manila hanggang Clark at Manila hanggang Calamba na susundan ng mga proyekto mula Manila hanggang Ilocos, at Manila hanggang Cabanatuan.

Pipilitin aniyang matapos agad ang mga proyektong ito dahil nakikita ang kahalagahan ng railway at efficient transport system sa pag-unlad ng bansa. 

Dagdag na mensahe ni Bautista para sa lokal na pamahalaan ay ipagpatuloy ang paggawad ng pagkilala sa mga mamamayan ng Cabanatuan na nakagagawa ng mabuti para sa lungsod at sa bansa. 

Bago manungkulan bilang kalihim ng DOTr, kilala na sa industriya ng pagnenegosyo si Bautista na naging Presidente at Chief Operating Officer ng Philippine Airlines.

Siya din ay naging direktor ng Macroasia Corporation, Macroasia Airport Services Corporation, Macroasia Properties Development Corporation at ETON Properties Philippines, Inc.; naging punong opisyal sa pananalapi ng Tan Yan Kee Foundation, Inc.;  at humawak ng matataas na posisyon sa LT Group Inc. sa loob ng 39 na taon. (CLJD/CCN-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews