Kampanya kontra dengue sa Bulacan pinalakas

Patuloy pa rin na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH) ang paglaban sa dengue sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ilang mga aktibidad at kampanya upang tuluyang masugpo ang papataas na kaso ng dengue sa lalawigan.

Ito ay makaraang makapagtala ang lalawigan ng 9,901 na kaso ng dengue buhat noong July 30, 2022 at patuloy pa rin sa pagtaas.

Dahil dito, ipinag-utos ni Governor Daniel Fernando ang mahigpit na pagbabantay sa mga lugar na may dengue hotspot at clustering ng mga kaso na siyang prayoridad ng interbasyon.

Nagsagawa rin ng sabayang paglilinis kamakailan sa ibat-ibang parte sa probinsiya na nilahukan ng mga kapitan ng barangay, Home Owners Association at iba pang mga sektor.

Magugunita na naglabas ng Memorandum DRF-04202022-134 si Fernando noong Abril na nag-uutos sa mga punong-lungsod/bayan at mga kapitan na magkaroon ng inisyatibo at pag-ibayuhin ang pagpapatupad ng mga hakbangin na makatutulong sa mga Bulakenyo sa paglaban nito sa dengue kahit na sila ay naninirahan man sa pinakamalalayong bahagi ng komunidad.

“Doblehin pa natin ang pagbabantay sa mga lugar na may hotspot, ‘yung mga may clustering ng cases. Unahin natin na masugpo at maubos ang mga lamok na nagdadala ng dengue at linising maigi ang mga lugar na ‘yan. Siguruhin na regular na isinasagawa ang spraying at fogging upang tuluyang mawala ang mga lamok na dengue carrier,” wika ng gobernador.
Tuloy-tuloy din ang pagbili ng Pamahalaang Panlalawigan ng dengue chemicals na ipinamamahagi sa mga lungsod at munisipalidad at nagsasagawa ng regular na pamamahagi ng Dengue NS1 kits sa mga pampublikong ospital at mga rural health unit (RHU).

Nanguna rin ang PHO-PH sa pagsasagawa ng awareness campaigns tungkol sa dengue sa iba’t ibang mga sektor kabilang na ang mga volunteer worker, kapitan, PWDs, senior citizens, scholars’ association, at iba pa at pamamahagi ng information materials sa bawat barangay.

Maliban dito, pinaalalahanan din ng PHO-PH ang mga Bulakenyo na maging mas maingat dahil bukod sa dengue at COVID-19 virus, mayroon ding banta ng monkeypox virus sa bansa kung saan ayon sa Department of Health, kabilang sa mga sintomas ang pamamaga ng lymph nodes, lagnat at pantal na maaaring maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng close contact (mga sugat, body fluids at respiratory droplets) sa isang infected na tao o hayop, o sa mga kontaminadong kagamitan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews