Kampanya kontra tigdas at polio suportado ni Gov. Fernando

Full support ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang kampanya ng Department of Health (DOH) laban sa pagkalat ng Tigdas at Polio sa bansa kasabay ng paghikayat nito sa mga Bulakenyong magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa nakamamatay na sakit at makiisa sa Measles-Rubella Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR-OPV SIA) mula Pebrero 1-28, 2021.


Sa kampanyang ito, ang mga bata na edad siyam na buwan hanggang 59 buwan ay bibigyan ng karagdagang proteksyon laban sa Measles-Rubella; habang ang mga bagong panganak na sanggol hanggang 59 buwang gulang na bata ay bibigyan ng Oral Polio Vaccine sila man ay nabakunahan na dati o hindi.

Layunin ng lalawigan na mabakunahan ang 279,886 kabataang Bulakenyo sa Measles-Rubella, at 327,626 para sa Oral Polio Vaccine.

Ayon kay Fernando, ngayon na kumakaharap tayo sa isang pandemya, mas higit nating batid ang benepisyo ng pagbabakuna bilang proteksyon mula sa iba’t ibang sakit.

“Sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic, tumataas ang banta ng muling pagkakaroon ng outbreak ng tigdas hindi lamang sa ating lalawigan kung hindi sa buong bansa kasama na rito ang pagpapatuloy din ng banta ng polio. Kaya naman ngayon pa lamang ay kailangan na natin
itong agapan. Wala pong dapat ipag-alala dahil higit na matindi ang panganib ng tigdas at polio kung ikumpara sa mga banayad na reaksyon sa pagbabakuna,” anang gobernador.

Magtatalaga ang mga Barangay Health Stations at Rural Health Units ng nakapirming vaccination post sa bawat barangay at kung saan mapatutupad pa rin ang social distancing at iba pang minimum health standards.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews