PORMAL na nagsampa ng “Petition for Disqualification” sa Commission On Election (COMELEC) ang isang residente sa Barangay Masagana, Pandi, Bulacan laban sa kanilang incumbent Barangay Captain na si Francisco “Kikoy” Sandil kaugnay sa umanoy paglabag sa Omnibus Election Code (OEC) nitong Biyernes, October 28, 2023.
Sa limang pahinang complaint affidavit ni Manilyn Goc-Ong, nasa hustong gulang, residente ng Ignacio St., Purok 1, Barangay Masagana, ng nasabing bayan, pinaratangan nito si Kapitan Sandil ng pamimili ng boto kaugnay sa October 30 Barangay and Sangguniang Kabataan Election 2023.
Nabatid na si Sandil ay re-electionist sa Barangay Masagana makaraang mag-file ng kaniyang Certificate Of Candidacy (COC) noong August 29, 2023.
Ayon sa petitioner, ipinatawag siya ng isang political leader kasama ang marami pang mga ka-barangay upang pumunta sa warehouse umano ni Kapitan Sandil kung saan sila ay kinuhanan ng litrato at pagkaraan ay sinabihan na ipatatawag na lang ulit.
Oktubre 22 nang sila ay muling pabalikin sa nasabing warehouse na matatagpuan sa Purok 4, Barangay Masagana at sila ay binigyan ng laminated ID na nakasaad ang kanilang pangalan at voting precinct number na mayroon din litrato at QR Code kalakip ang halagang P1,000.
Ang nasabi umanong card ay magsisilbing rin umanong health card ng nagma-may-ari nito oras na iboto o isulat sa balota ang pangalan ni Kapitan Sandil at muling makatatanggap ng halagang P2,000 sa araw ng eleksyon.
Ayon pa kay Goc-Ong, rampant umano ang vote buying sa kanilang lugar na kung saan ay tinatayang aabot sa libu-libo na ang naipakalat na ‘health card’.
Nagdesisyon Imani si Goc-Ong na magsampa ng petisyon para matigil na ang nasabing ilegal na pamimili ng boto sa kanilang lugar.
Isa pang residente ang lakas loob na humarap sa mga mamamahayag upang patunayan ang nasabing akusasyon laban sa punong barangay kung saan ay isiniwalat nito at pinatunayan ang kaparehong testamento ni Goc-Ong ngunit ayaw nito ipakilala ang tunay na pagkatao para sa kaniyang kaligtasan.
Ipinakita rin nito ang ilang piraso ng mga ID na ipinamahagi umano ni Kap Sandil mula sa mga taong nakatanggap din umano ng P1,000.
Samantala, isang kandidato sa pagka-Kagawad ng barangay ang dinakip at dinala sa Pandi Police Station dahil sa paglabag ng Omnibus Election Code (vote buying) Sabado ng umaga sa Barangay Bagong Barrio, Pandi, Bulacan.
Base sa imbestigasyon, ang suspek na pansamantalang hindi pinangalanan ay nahuli umano sa aktong namimili ng boto at narekober dito ang ilang sample ballot at DSWD General Intake Sheets.