LUNGSOD NG TARLAC — Nagbigay daan ang taunang Kanlungan ng Lahi o Kanlahi Festival upang mas makilala ang tradisyon at kultura ng Tarlac.
Sa isang press conference, sinabi ni Gobernador Susan Yap na ang ikatlong edisyon ng pagdiriwang ay nakatakda mula Marso 4 hanggang 9.
Kanya aniyang ninanais ngayong taon na mas magkaisa at magkaroon ng aktibong partisipasyon ang bawat bayan at lungsod.
Dagdag pa ni Yap, ang pagdiriwang ay nakasentro sa bawat lahi na nakapaloob sa lalawigan ng Tarlac bilang bahagi ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba.
Tampok sa isang linggong pagdiriwang ang Bonsai Exhibit, Chalk Art Festival, Tarlakenyo Trade Fair, Agri Saya, Night Bike Ride, Variety Show, Street Dancing Competition, Tarlakenyo Got Talent, Paralympics, Pet Show, Float Parade, National Painting Contest, at Mr. Tarlac.
Mayroon ding Zumba Fest, Palaro ng Lahi, Binibining Kanlahi, Mobile Legends Tournament, Cheer Dance Competition, Music Fest, Fun Run, Car and Motor Show, Bike Race, Motorcross Race, at Musical Pyro Fest.