CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga — Inaanyayahang magsumite ng kanilang entry ang mga lokal na mamamahayag ng Pampanga para sa ika-13 Bright Leaf Agriculture Journalism Awards
Inisyatibo ng Philip Morris Fortune Tobacco Corp. o PMFTC Inc., ang nasabing kumpetisyon na naglalayong magbigay ng pagkilala sa kahusayan hindi lamang sa pag-uulat ng balitang pang-agrikultura, kundi sa mga tuntunin ng pangkalahatang kasanayan sa journalismo mula sa pagsulat hanggang sa pangangalap ng mga datos.
Ayon kay PMFTC Corporate Communications Head Dave Gomez, isang mahalagang industriya ng bansa ang agrikultura at sa pamamagitan ng mga mamamahayag ay nabibigyan ito ng mahalagang pansin kung kaya marapat lamang silang parangalan.
Aniya, talagang nakatuon ang Bright Leaf sa pagkilala sa mga natatanging kuwento patungkol sa pagpapaunlad ng agrikultura at nagbibigay-buhay hindi lamang sa lokal ngunit sa pambansang antas ng mahahalagang mga isyu tungkol sa nasabing sektor.
Kasama rin aniya rito ang mga negatibo o kritikal na istorya dahil ang mga ito ang nagtutulak sa mga mambabatas at sa pamahalaan na gumawa ng mga reporma at pagbabago sa patakaran.
May 12 kategorya ang kumpetisyon kabilang ang Agriculture Story of the Year, Agriculture Photo of the Year, Tobacco Story of the Year, Tobacco Photo of the Year, Best Agriculture TV Program or Segment, Best Agriculture Radio Program or Segment, Best Agricultural News Story (national at regional), Best Agriculture Feature Story (national at regional), Best Online Story, at Best Story in Novel Tobacco Products.
Lahat ng Pilipinong mamamahayag na naninirahan sa Pilipinas at nasa 18 taong gulang pataas ay maaring magsumite ng kanilang entry.
Maaaring magusmite ang mga kalahok ng higit sa isang entry sa alinmang kategorya, ngunit hindi maaring isumite sa iba’t ibang kategorya ang parehong kwento.
Tanging ang mga entry na nalathala o nai-ere sa bansa mula Setyembre 1, 2018 hanggang Agosto 31, 2019 ang tatanggapin ng mga organizers ng paligsahan.
Maaaring magsumite ang mga kalahok ng kanilang mga entry sa pamamagitan ng email, courier, o sa pamamagitan ng website ng Bright Leaf.
Depende sa kategoryang sasalihan, maaring mapanalunan ng mga kalahok ang Bright Leaf trophy, gadget, libreng tour sa Southeast Asia, at perang nagkakahalaga ng 20,000 hanggang 50,000 piso.
Ang deadline sa pagsumite ng mga entry ay sa Setyembre 1, 2019. (CLJD/MJLS-PIA 3)