LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsimula ngayong araw ang relief operations upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga Bulakenyo habang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ang buong Luzon.
Personal na pinangasiwaan ni Gobernador Daniel Fernando ang pagsasagawa ng relief operation kung saan 120,000 food packs ang inilaan sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at iba pang maralita.
Magbibigay din ng tig 50 sako ng bigas para sa 24 na lungsod at bayan habang tig-5 sako para sa 569 nasasakupang barangay.
Ayon kay Fernando, nagsusumikap ang pamahalaang panlalawigan upang maibigay ang pangangailangan ng mga mamamayan.
Nagpasalamat siya sa mga taong nagbibigay ng donasyon upang makatulong kabilang na ang Damayang Filipino Movement Foundation Inc.
Bukod rito, magpapamahagi din ng alcohol at face masks sa bawat barangay.