Kapitolyo namahagi ng food packs sa 230K pamilyang Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOSĀ (PIA) — Aabot na sa mahigit 230 libong mga pamilyang Bulakenyo ang nahatiran na ng mga food packs ngayong nasa ikalimang linggo na ang Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Iyan ang iniulat ni Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena J. Tiongson sa ginanap na pulong ni Gobernador Daniel R. Fernando sa 21 mga punong bayan at 3 punong lungsod ng Bulacan. 

Kabilang diyan ang may 83,105 na food packs para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. 

Sinimulan na rin ang pamamahagi sa mga pamilyang hindi kasali sa 4Ps sa direktiba ni Gobernador Daniel R. Fernando ngayong nagpapatuloy ang ECQ.

Nitong nakaraang linggo, una nang napagkalooban ang mga taga-Guiguinto ng 30,510 na mga food packs; 13,819 sa Paombong; 28,300 sa Pulilan at 62,850 sa lungsod ng Malolos. Habang kasalukuyan pang nagkakaroon ng repacking para sa mga ipamimigay na food packs sa iba pang mga bayan at lungsod. 

Bukod sa mga food packs, nagpadala rin ang Kapitolyo ng tig-limang kaban na Bigas kada isang barangay. 

May kabuuan itong 2,845 na kaban na ipinagkaloob sa 569 na mga barangay sa Bulacan. Iba pa rito ang 50 kaban na ipinadala ng Kapitolyo sa 21 munisipyo at tatlong city halls upang makatulong sa pamamahagi ng rasyon na mga pagkain.

Umabot na rin sa mga pangunahing sektor sa Bulacan ang pamamahagi ng mga food packs gaya ng 1,380 para sa mga katutubong Dumagat, 905 para sa mga lehitimong kasapi ng Jeepney Operators and Drivers Association, 402 para sa mga regular na pasyente ng mga ospital ng Kapitolyo, 420 para sa komunidad ng mga Muslim sa Malolos at Plaridel at 66 para sa mga boluntaryong manggagawa.

Samantala, sinusuplayan na rin ng mga kaban ng bigas ang mga ospital na pinapamahalaan ng Kapitolyo upang makatulong sa suplay ng pagkain ng mga medical frontliners.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews