Palalatagan ng mga solar panel ang ibabaw ng Kapitolyo ng Bulacan at iba pang gusali na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan.
Prayoridad ngayong 2023 na masimulan ang kumbersiyon ng Kapitolyo sa solar energy mula sa labis na pagdepende sa iisang power distribution utility.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, iniaalok ng pamahalaang panlalawigan sa mga kwalipikadong pribadong sektor na mamuhunan sa proyektong ito na aabot sa inisyal na halagang 100 milyong piso.
Ipinaliwanag ng gobernador na tatlong pangunahing benepisyo ang matatamo ng mga Bulakenyo kapag naisakatuparan ang malawakang paglalatag ng mga solar panel sa mga pasilidad ng Kapitolyo.
Una rito ay makakatipid ang pamahalaang panlalawigan sa gastusin sa kuryente na umaabot sa 44 milyong piso kada buwan.
Kung makakasama ang solar Energy sa pagkukuhanan ng kuryente, tinatayang nasa 60 porsyento ang matitipid sa ibinabayad sa power distribution utility.
Pangalawa, bukod sa maisusuplay na murang halaga ng kuryente ay makakaipon pa ng sobrang suplay ang Kapitolyo na pwede rin nitong maibenta sa electric power industry.
Base sa kasalukuyang sistema ng pagsusuplay ng kuryente sa bansa sang-ayon sa Republic Act 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act, ang mga power generators ay uubrang magbenta ng suplay sa Wholesale Electricity Spot Market.
Dito naman bibilhin ng mga power transmission at distribution utilities upang makarating sa pangangailangan ng mga industriya at tahanan.
Pangatlo ay makakadagdag ang pagbebenta ng magiging sobrang suplay ng kuryente mula sa solar energy upang maidagdag sa taunang badyet ng Kapitolyo.
Kapag natapos ang panahon ng konsesyon, ibibigay na ng pribadong konsesyonaryo sa pamahalaang panlalawigan ang karapatan sa pagmamay-ari at pangangasiwa sa buong sistema ng solar energy.
Target maging operational ang proyektong ito sa susunod na taon. (CLJD/SFV-PIA 3)