LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Nanawagan si Governor Aurelio Umali sa mga may-ari ng hotel sa Nueva Ecija na handang tumulong ngayong panahon ng krisis dulot ng coronavirus disease o COVID-19.
Ayon sa gobernador, nakahandang magbayad ang pamahalaang panlalawigan sa mga hotel owners na papayag buksan ang mga pasilidad upang pansamantalang tuluyan ng mga frontline workers at mga Persons Under Investigation o PUI.
Kinakailangan aniyang alagaan ang mga frontline workers na mga nagsasakripisyo sa pagtupad ng tungkuling magpagaling ng mga may sakit partikular ng mga may kaso ng COVID-19.
Bukod sa tirahan ay sinasagot din ng kapitolyo ang mga kailangang hygiene kits at pagkain sa araw-araw ng mga frontliners.
Gayundin ay mayroong nagbabantay sa kanilang seguridad at naglilinis o nag-didisinfect sa tinutuluyan.
Sa kasalukuyan ay ang Village Inn hotel sa lungsod ng Cabanatuan ang katuwang ng pamahalaang panlalawigan na nagpapatuloy sa ilang mga health workers at mga kawani ng ospital sa lalawigan.
Kaugnay nito ay inaabisuhan ang mga frontliners na makipag-ugnayan sa tanggapan ng pamahalaang panlalawigan o sa Department of Health- Nueva Ecija sa pangangailangang pansamantalang tirahan.
Ibinalita din ni Umali na lumagda na sa kasunduan ang tanggapan at ang Nueva Ecija University of Science and Technology na mayroong dalawang gusali na pumasang maging quarantine facility at maaari nang tuluyan ng mga PUI sa lalawigan.
Bukod pa ang Nueva Ecija Drug Treatment and Rehabilitation Center na pagmamay-ari ng pamahalaang panlalawigan na matatagpuan sa lungsod ng Palayan na magsisilbing extension ward ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center para sa mga PUI.
Aniya, patuloy pa din ang paghahanap ng mga karagdagang pasilidad na maaring gawing quarantine area ng mga PUI sa lalawigan.