Kapitolyo ng NE, patuloy sa pagbili ng palay sa lokal na magsasaka

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Patuloy ang pagbili ng mga palay ng pamahalaang panlalawigan sa lokal na magsasaka sa Nueva Ecija.

Ayon kay Governor Aurelio Umali, hindi maaaring ihinto ang pagbili ng palay lalo ngayong namamahagi ng bigas ang pamahalaang panlalawigan sa mga  mamamayan bilang agapay sa nararanasang krisis dulot ng coronavirus disease o COVID-19.

Kaniyang paglilinaw, sa ngayon ay hindi ipinagbibili ng tanggapan ang mga bigas na mula sa mga magsasaka dahil kailangan ito sa mga relief operation sa buong probinsya. 

Target ng kapitolyo na maabutan ng bigas ang lahat ng mga mamamayan na naninirahan sa 849 barangay sa Nueva Ecija.

Pahayag ni Umali, bago tumungo ang mga kawani ng kapitolyo sa mga barangay ay nakikipag-ugnayan muna ang tanggapan sa mga alkalde at mga kapitan upang gawing maayos ang pamamahagi ng tulong. 

Kagaya ng nakagawian ay hindi na kailangang lumabas ng mga tatanggap na mga benepisyaryo kundi ay upuan lamang ang inilalabas sa mga tahanan upang makaiwas sa pakikisalamuha sa mga namamahagi bilang pag-iingat kontra sa sakit na COVID-19.

Araw-araw ay may iskedyul ng mga tinutungong barangay ang pamahalaang panlalawigan mula sa iba’t ibang lungsod at bayan na nasasakupan. 

Hulyo ng nakaraang taon ng itaguyod ang Provincial Food Council na ang pangunahing layunin ay tulungan ang mga magsasakang nahihirapan sa mababang presyo ng palay na umiiral sa merkado. 

Direktang binibili ng Food Council ang mga aning palay ng mga magsasaka sa presyong mas mataas kumpara sa umiiral na presyo sa merkado bilang agapay sa hanapbuhay at kita ng mga magsasaka. 

Mula sa pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka ay inilunsad din ng kapitolyo ang produktong Malasakit Rice na inilabas sa merkado na pansamantala munang itinigil ngayon dahil sa krisis dulot ng COVID-19.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews