LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nangako ang pamahalaang panlalawigan na tutulungang mapabilis ang pag-uwi ng mga Kapampangan Overseas Filipino Workers o OFW sa probinsya.
Ayon kay Gobernador Dennis Pineda, tugon ito ng pamahalaang panlalawigan sa matagal na pananatili ng mga OFWs sa mga quarantine at isolation facilities sa Metro Manila.
Aniya, kinausap niya sina Secretary Carlito Galvez at Secretary Eduardo Año at humingi ng pahintulot sa mga ito kung pwedeng direktang iuwi sa Pampanga ang mga OFW galing sa paliparan sa Maynila upang sa probinsya na ma-test at ma-isolate.
Aniya, mas mabilis ang magiging proseso dahil may sariling Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction o RT-PCR machine ang probinysa na nasa Jose B. Lingad Memorial General Hospital, at kakayaning ilabas ang mga resulta sa loob lamang ng dalawa o tatlong araw.
Dagdag niya, kung pahihintulutan ang kanyang mungkahi, luluwag ang Metro Manila dahil hindi na kakailanganing manatili dito ng mga OFW ng 15 araw hanggang isang buwan.
Kaugnay nito, nakipagpulong din ang gobernador sa iba’t ibang mga ahensya kabilang ang Philippine Health Insurance Corporation, Department of Foreign Affairs, Overseas Workers Welfare Administration, at Department of the Interior and Local Government, upang pag-usapan ang mga nakikitang problema sa panukalang ito at maghanda ng agarang mga solusyon.
Ayon kay Pineda, isa sa mga problema sa ngayon ay hindi matukoy kaagad ang bilang ng mga papauwing OFW kung kaya pinaplano ng pamahalaang panlalawigan ang early registration para maplano nila kung kailan at paano susunduin ang mga ito at kung saan sila i-iisolate.
Samantala, hiniling naman ng gobernador sa mga pabalik na OFW na kung maaari ay sa Clark na lamang kumuha ng flight upang mas madali silang maalalayan ng pamahalaang panlalawigan.
Hinigi rin niya sa mga stranded na Kapampangan OFWs na nasa Maynila pa na habaan pa ang pasensya at sinigurong ginagawa ng pamahalaan at lahat ng pamamaraan upang mapabilis ang pag-uwi ng mga ito sa kani-kanilang mga pamilya.
Sa kasalukuyan, inaasikaso ng Pampanga ang mga pauwing OFW na lumapag sa Clark kahit na hindi sila mga taga rito.