Kapitolyo, Red Cross magtutulong sa Mass Swabbing sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS — Pumasok sa isang Memorandum of Agreement ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Philippine Red Cross para sa pagsasagawa ng mass swabbing.

Ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando, nakapaloob sa nasabing kasunduan ang pagbili ng 1,428 na mga swab testing kits.

Nagkakahalaga ito ng limang milyong piso na ayon sa gobernador ay magmumula sa alokasyon ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth para sa lalawigan ng Bulacan. 

Prayoridad na makasama sa gagawing mass swabbing ang mga suspect cases ng coronavirus disease o COVID-19 at mga medical frontliners.

Ang magiging sistema, paliwanag ni Provincial Health Office Head Jocelyn Gomez, ang pasyenteng matutukoy na suspect sa COVID-19 sa barangay ay ipapasundo ng ambulansiya ng pamahalaang bayan o ng pamahalaang lungsod. 

Dadalhin sa Bulacan Infection Control Center upang doon gawin ang swabbing at diretso na sa quarantine.

Nauna nang ipinag-utos ni Fernando sa mga 21 pamahalaang bayan at 3 pamahalaang lungsod na magtakda ng dedicated ambulance na para lamang sa mga pasyenteng may kaugnayan sa COVID-19.

Kaugnay nito, ang mass swabbing na isasagawa sa tulong ng Philippine Red Cross ay makukuha ang resulta sa loob lamang ng 48 oras.

Bukod sa mga biniling swab testing kits sa tulong ng PhilHealth, may nauna nang 1,300 swab testing kits ang ipinagkaloob ng Department of Health o DOH sa pamahalaang panlalawigan.

Ipinaliwanag din ni Fernando na ang mga swab testing kits na kaloob ng DOH ay ibinigay sa mga pamahalaang bayan at pamahalaang lungsod para sa kani-kanilang mga swabbing at quarantine facilities.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews