Naglabas ng mga karagdagang hakbangin ang pamahalaang panlalawigan upang malabanan ang patuloy na pagtaas ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa Zambales.
Ayon kay Governor Hermogenes E. Ebdane Jr., magpapatupad ng granular lockdown o zoning containment strategies sa mga lugar na may kumpol-kumpol na kaso at mas papaigtingin ang pagkocontact tracing.
Magsasagawa rin aniya ng malawakang Rapid Antigen Testing lalo na sa mga residente ng Zambales na nagtratrabaho sa Subic Bay Freeport Zone at lungsod ng Olongapo.
Muling ibabalik ang mga barangay checkpoints at mahigpit pa ring ipinagbabawal ang mga malawakang pagtitipon o mass gatherings.
Bilang karagdagang pasilidad, magtatayo naman ng mga modular structured hospital katuwang ang Department of Public Works and Highways.
Matapos maitala ang unang kaso ng Delta variant sa lalawigan, hinikayat ni Ebdane patuloy na sumunod sa mga minimum health and safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, social at physical distancing, at palagiang paghuhugas ng kamay.
Kung kwalipikado na aniya ay wag magatubiling magparehistro para sa bakuna.
Sa kasalukuyan, ang Zambales ay nakapagtala ng 6,009 kumpirmadong kaso kung saan 929 ay aktibo habang 4,893 ang nakarekober at 187 ang nasawi. (CLJD/RGP-PIA 3)