NABIBILANG ang Sangguniang Bayan (SB) ng Bocaue, Bulacan sa pangunguna ni Vice Mayor Sherwin N. Tugna at mga konsehales dito sa mga hinahangaang sangguniang bayan sa lalawigan dahil sa maayos at angkop na pamamaraan ng pagsasagawa ng kanilang Karaniwang Pulong.
Hindi matatawaran ang husay at galing kung paano ang Karaniwang Pulong ng Sangguniang Bayan ng Bocaue ay pangunahan ni Vice Mayor Tugna na masasabing naiiba sa ibang mga lokal na pamahalaan sa Bulacan.
Kumpara sa ibang mga Sangguniang Bayan sa Bulacan, isa ang bayan ng Bocaue na nagsasagawa ng tamang protocol sa pagpapatupad ng Karaniwang Pulong partikular na sa larangan ng deliberasyon nito.
Ang mga tamang termino na ginagamit ni VM Tugna bilang presiding officer kasama ang mga konsehales ay halos kahalintulad o maikukumpara sa mga isinasagawang pagpupulong sa Kongreso o Mababang Kapulungan kaya naman tunay na nakaka-enganyong manood at makinig.
Ayon kay Tugna, nais niyang maging pormal, mataas ang moral, nirerespeto ang bawat kasapi ng SB at tunay na maipagmamalaki kumpara sa ibang mga bayan.
“Inaanyayahan ko po ang aming mga kababayang Bocaueño na maaari sila manood at makinig sa aming Karaniwang Pulong, siguradong mag-eenjoy sila dahil hindi boring ang kanilang matutunghayan at mapapakinggan,” wika ni Tugna.
Dahil naging Kongresista ng CIBAC Party List sa loob ng tatlong termino ay nagamit ni Tugna ang kaniyang experience sa Kongreso sa Sangguniang Bayan kaya naman maayos na maayos ang mga deliberasyon sa mga ipinapasang resolusyon at ordinansa, mga inaamyendahang resolusyon at mga panukalang ordinansa.
Ang Karaniwang Pulong o session ng SB ng Lokal na Pamahalaan ng Bocaue, Bulacan ay isinasagawa tuwing araw ng Martes sa ganap na alas-2:00 ng hapon na pinangangasiwaan ni Vice Mayor Tugna kasama ang mga halal na konsehal ng bayan at kinatawan ng Sangguniang Kabataan at Liga ng mga Barangay.
Kabilang sa mga kasapi ng Sangguniang Bayan ay sina:
VMayor Tugna- presiding officer,
mga konsehales Alvin Paul Cotaco,
Mirasol Bautista, Yboyh Del Rosario Sr., Norielito
German, Francis Jerome Reyes,
Donnabel M. Celestino, Aristotle
Nieto, Jerome Dela Cruz, SK President
Jamela Charisse Mendoza at ABC
President Ruben Delos Santos