GUIGUINTO, Bulacan — Padadaanin sa North Luzon Expressway o NLEX at sa karugtong nitong Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX ang mga sasakyang may lulan na mga pagkain, gamot, krudo at anumang kargamento na binigyan ng exemption sa umiiral na Luzon Enhanced Community Quarantine.
Iyan ang nilinaw ng NLEX Corporation at ng kapulisan sa mga inilabas na traffic advisories kaugnay ng mga itinalagang mga checkpoints sa mga tukoy na tollgates ng NLEX at SCTEX.
Ayon kay NLEX Corporation President Luigi Bautista, bagama’t may mga bukas na tollgates ay may mga nakatalagang checkpoints ilang metro bago dumating dito.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Acting Police Provincial Director PCol. Lawrence Cajipe na istriktong ipinapatupad ang Luzon Enhanced Community Quarantine kaya’t tanging mga sasakyang may lulan na mga pagkain, gamot, bitamina, krudo at iba pang essential goods at utilities ang pararaanin sa mga hangganan o boundaries partikular sa NLEX.
Iba pa riyan ang mga pinaiiral na checkpoints sa may 20 boundaries ng Bulacan at Metro Manila na nasa Meycauayan at Valenzuela, Obando at Valenzuela, Obando at Malabon, Marilao at North Caloocan, San Jose Del Monte at North Caloocan at San Jose Del Monte at Quezon City.