Nilinaw ni Gob. Daniel R. Fernando na walang dahilan upang mangamba dahil nananatiling nasa low hanggang minimal risk classification ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan at nasa ilalim ng Alert Level 1 ang Bulacan, pinakamababang klasipikasyon, sa nakalipas na mga buwan.
Noong Mayo 9, iniulat ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) ang 37 bago at 13 huling kaso, habang 110 kaso naman ang naitala ng Provincial Health Office-Public Health mula Abril 26 hanggang Mayo 2.
Dagdag pa rito, 94% ng 355 aktibong kaso ang walang sintomas, at 6% lamang ang malalang mga kaso.
“Wala po tayong dapat ipangamba dahil may bahagya mang pagtaas ng kaso ng COVID-19, ito naman ay kontrolado. Gayunpaman, hindi ibig sabihin nito ay maaari na tayong magpabaya. Narito pa rin ang COVID kaya naman kailangang pa rin tayong mag-ingat,” anang gobernador.
Bagaman hindi sapilitan ang pagsusuot ng face mask sa ngayon, hinikayat pa rin ni Fernando ang mga Bulakenyo na sundin ang basic health protocol lalo na sa mga lugar na hindi maayos ang bentilasyon at kung nasa labas.
Binigyang diin din niya ang pangangailangan sa hanggang dalawang COVID booster shot dahil susi ito upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19.
“Inilapit na po ng Pamahalaang Panlalawigan sa inyo ang pagbabakuna sa pamamagitan ng Vaccination on Wheels na kasabay na bumababa ng Damayan sa Barangay sa ating mga lugar. Ito po ay libre, ligtas, at epektibo, kaya naman wala na pong dahilan upang hindi tayo makapagpabakuna,” aniya.
Para sa iskedyul ng Vaccination on Wheels, maaaring bisitahin ng mga Bulakenyo ang Facebook page ng Bulacan Provincial COVID-19 Vaccination Site Updates sa https://www.facebook.com/bulacanprovincialvaccination.
Maliban dito, mayroon ring COVID booster shot sa mga health center at vaccination site sa bawat bayan at lungsod ng lalawigan.