Pormal nang nilagdaan ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng LGU-Hermosa, NLEX Corporation at Metro Pacific Tollways Corporation para sa Hermosa Lighting Project, sa Hermosa, Bataan, Mierkoles ng umaga.
“Sa ngalan ng Bayan ng Hermosa, buong-puso po nating tinanggap at taos-pusong pinasalamatan si Mr. J. Luigi L. Bautista, President and General Manager ng NLEX Corporation, sa patuloy na pakikipag-ugnayan at walang sawang pagsuporta sa Bayan ng Hermosa, lalong-lalo na po pagdating sa road safety,” pahayag ni Hermosa Mayor Jopet Inton.
Ayon pa kay Mayor Inton, ang proyektong ito ay ang pagsiguro sa kaligtasan ng publiko at isa sa mga pangunahing priyoridad aniya sa pagpapatakbo ng mga expressways.
Nagsimula ang proyekto nang ang Lokal na Pamahalaan ng Hermosa sa pangunguna ni Mayor Jopet ay humiling sa NLEX Corporation ng ilaw sa kalsada na sumasaklaw sa humigit-kumulang dalawang kilometro. Ayon sa plano, ito ay gagawing mas ligtas ang paglalakbay papuntang T-intersection na matatagpuan sa SCTEX Roman Highway Access Road at Roman Highway, Hermosa, Bataan.
Bukod dito dagdag pa ng alkalde, ay maglalagay din ng mga directional sign, PVC bollard sa median at metal strips para gawing gabay at upang mas maging maginhawa sa pagmamaneho sa gabi ang mga motorista at upang masiguro ang aniya ang kanilang kaligtasan.
Ang MOA Signing ay sinaksihan din nina Atty. Joseph Marigomen First Vice President for Legal Services ng NLEX Corp., Hermosa Vice Mayor Patrick Rellosa kasama ang mga SB Members, at iba pang mga kawani ng Lokal na Pamahalaan.