Katapangan ni Isidoro Torres, inilalarawan ng bagong monumento

Naintindig na sa harapan ng city hall ng Malolos ang bagong lilok na monumento ni Heneral Isidoro Torres bilang handog sa kanyang Ika-155 Taong Anibersaryo.

Ito na ang sentro ngayon sa People’s Republika Park na kamakailan ay pinasinayaan din bilang bagong mukha ng lungsod ng Malolos. 

Sinabi ni Isagani Giron, Pangulo ng Salinlahi Inc. na taong 2016 nang aprubahan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at ng National Historical Commission of the Philippines ang maquette o scale model ng noo’y magiging disenyo ng monumento ni Torres sa harap ng bagong city hall ng lungsod.

Ang aprubadong maquette ay isang legal na batayan ng Intellectual Property Right upang siyang maging opisyal na basehan sa inililok na monumento. 

Dagdag pa ni Giron na isang matapang, magiting at may paninindigan na heneral ang konsepto ng monumento.

Kaya’t nakasuot ng yunipormeng pang militar ang imahe ni Torres dahil nakapaloob din sa konsepto ang panahong nabuhay siya noong Rebolusyon ng 1896 at Philippine-American War ng 1899-1901. 

Pinabagsik din ang imahe ng mukha at may posturang palaban ito sa monumento dahil naaayon sa mga batayang pangkasaysayan, na basta’t may manlulupig ay handang pumatay at mamatay si Torres. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews