Isinasagawa ngayon sa Bataan ang kauna-unahang Global Blockchain Summit sa bansa kung saan nagsama-sama ang iba’t-ibang eksperto sa larangan ng teknolohiya partikular na sa Blockchain industry mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang ibahagi sa pampubliko at pribadong sektor ang kanilang kaalaman at karanasan para sa pagsusulong ng makabago at modernong ekonomiya o ang tinatawag na digital economy.
Sa naturang okasyon ay ibinahagi ni Bataan Governor Joet Garcia ang kahalagahan ng R.A. 11453 sa pagsusulong ng digital na transpormasyon sa Freeport Area of Bataan at sa probinsya ng Bataan.
Aniya, dahil sa batas na ito, tiyak na magiging natatanging tahanan ang FAB at Bataan ng mga makabagong industriya tulad ng blockchain, financial technology, distributed ledger technology, at iba pa.
Ang naturang summit ay naisakatuparan sa tulong ng Department of Information and Communications Technology sa suporta ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan, Balanga City Government at ng Authority of the Freeport Area of Bataan.
Full support din sa naturang summit sina Bataan 2nd District Rep. Abet Garcia at 3rd District of Bataan Rep. Gila Garcia.
Nagbigay naman ng congratulatory message si Vice President Sara Duterte-Carpio sa pamamagitan ng isang recorded video message.